ni Ryan Sison @Boses | December 27, 2023
Upang makakuha ng malaking diskwento sa kanilang real property tax o amilyar, pinayuhan ang mga residente ng Parañaque City Treasurer’s Office na gawin nilang magbayad nito nang mas maaga o bago ang March, 2024.
Batay sa post ng Parañaque City Public Information Office, aabot sa 16% diskwento ang maibibigay ng lokal na gobyerno ng lungsod sa mga taxpayer kung magbabayad sila nang buo sa kanilang yearly real property tax hanggang Disyembre 31, 2023.
Nasa 10% diskwento naman ang matitipid ng mga residente kung magbabayad sila sa kanilang yearly real property tax mula January 1 hanggang March 31, 2024.
Ayon kay Parañaque City Treasurer Dr. Anthony Pulmano, bukas ang kanilang opisina na matatagpuan sa ground floor ng Parañaque City Hall, mula alas-9 ng umaga hanggang alas-3 ng hapon, Lunes hanggang Biyernes.
Maaari ring aniya, magbayad ang mga taxpayer sa service center ng lokal na pamahalaan ng lungsod sa Ayala Malls Manila Bay para sa kanilang real property tax mula alas-10 ng umaga hanggang alas-6 ng gabi.
Samantala, mananatili naman sa 20% discount ang maibibigay ng Quezon City local government sa mga taxpayer, kung mababayaran nila nang buo ang kanilang amilyar hanggang December 31, 2023.
Habang nasa 10% diskwento naman kung ang full payment ng kanilang amilyar ay gagawin mula January 1 hanggang March 31, 2024.
Good news ito sa maraming residente ng mga naturang lungsod dahil malaking katipiran ito sa kanilang gastusin.
Hindi rin kasi biro ang tax na binabayaran taun-taon sa kanilang lupa na talagang kasama dapat sa kanilang budget.
Sana lang sumunod na rin ang iba pa o mas lumawak ang nagbibigay ng diskwento sa real property tax na mga lokal na pamahalaan lalo na sa Metro Manila.
Paalala sa ating mga kababayan na pursigihin nating makapagbayad nang maaga ng ating mga amilyar, dahil bukod sa makukuha natin ang malaking diskwento at makakabawas sa iba pa nating gastusin ay makatutulong din tayo sa ekonomiya ng pamahalaan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comments