Good news, benepisyo sa mga guro, kumpirmado na
- BULGAR

- Sep 25
- 2 min read
ni Leonida Sison @Boses | September 25, 2025

Hindi madali bagkus mahirap na propesyon ang maging isang guro, na kung minsan nagiging normal na sa kanila ang magtiis, hindi lang sa sahod, pati sa mga benepisyong ipinangako sa kanila.
Sa kabila ng kanilang walang sawang serbisyo, sila pa ang laging huling nakakaramdam ng biyaya mula sa gobyerno.
Kaya umaasa ang ating mga guro na ang kanilang Performance-Based Bonus (PBB) para sa Fiscal Year 2023 ay maibigay bago matapos ang 2025. Ito ang kinumpirma naman ng Department of Budget and Management (DBM).
Sa budget deliberations para sa 2026, sinabi ni Nueva Ecija 1st District Rep. Mikaela Angela Suansing na ilalabas ang Special Allotment Release Order (SARO) ng mga guro ngayong taon, batay sa DBM, nang tanungin siya ni ACT Teachers Partylist Rep. Antonio Tinio ukol sa iskedyul nito.
Ayon kay Suansing, kumikilos na ang technical working group (TWG) na siyang tatapos sa resolusyon para tukuyin ang mga kuwalipikadong benepisyaryo ng PBB.
Matapos ang resolusyon, bibigyan ng isang buwan ang Department of Education (DepEd) para isumite ang listahan ng mga qualified teacher. Kapag naisumite na ito, saka naman aaksyon ang DBM para maglabas ng SARO at cash advances.
Itinakda na rin ang pagpupulong ng TWG sa Setyembre 30, kasama ang Anti-Red Tape Authority (ARTA), Department of Economy, Planning, and Development (DEPDEV), Department of Finance (DOF), DBM, at Office of the President.
Kahit kumpirmado na ang pagre-release ng bonus, masaklap pa ring isipin na sa loob ng maraming taon ay paulit-ulit lamang ang ganitong senaryo, laging may delay, panay pasensya, at puro pangako, kumbaga, napakatagal ng paghihintay ng mga titser.
Ang mga guro, na siyang haligi ng edukasyon, ay napipilitan tuloy na magtiis, kahit malinaw na sila ay dapat gawing prayoridad.
Hindi ito simpleng insentibo lamang, kundi pagkilala sa hirap at sakripisyo na araw-araw nilang pinapasan para sa kinabukasan ng mga kabataan.
Ang pagkakaantala ng mga benepisyo nila ay maituturing na pagkakamali sa sistema — na tila palaging kulang sa malasakit sa mga gurong matagal nang nagsasakripisyo. Kung tutuusin, ang bawat araw ng paghihintay ay nagiging pasakit para sa kanila, at nagpapatunay din na hirap na tumbasan ang kanilang serbisyo.
Kung gusto natin ng maliwanag na kinabukasan para sa mga kabataan, dapat magsimula tayo sa agarang pagbibigay ng mga bonus, benefits at iba pa sa ating mga magigiting na guro. Gayundin, kung nais kilalanin ng gobyerno ang halaga ng edukasyon, dapat hindi na nahuhuli ang pagkakaloob ng nararapat na benepisyo para sa mga guro. Isipin natin na ang bonus ay hindi dapat maging gantimpala, kundi karapatan ng mga gurong nagsisilbi sa lipunan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com







Comments