top of page

Gonzales at Baclaan bida sa panalo ng FEU at NU

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Oct 26, 2023
  • 2 min read

ni Anthony E. Servinio @Sports | October 26, 2023



ree

Mga laro ngayong Sabado – MOA

2:00 PM UE vs. UST

4:00 PM NU vs. DLSU

Pumukol ng 3-points sabay ng huling busina si LJ Gonzales upang buhatin ang Far Eastern University laban sa defending champion Ateneo de Manila University, 62-59, sa pagbubukas ng Round Two ng 86th UAAP Men’s Basketball Tournament Miyerkules sa MOA Arena. Pansamantalang inagaw naman ng National University ang liderato matapos ang makapigil-hiningang 64-61 panalo sa host University of the East.

Tinabla ng tres ni Mason Amos ang laro sa 59-59 at may pagkakataon sila subalit itinapon nila ang bola upang buksan ang pinto sa Tamaraws. Linampasan ni Gonzales ang depensa upang makumpleto ang kanilang pagtakas.

Nanguna si Gonzales na may 19 puntos. Tinulungan siya nina Patrick Sleat na may 12 at Jorick Bautista na may 10 puntos. Kumakapit ang NU sa peligrosong 62-61 lamang pero isinayang ng UE ang kanilang mga pagkakataon sa huling minuto. Napilitan silang bigyan ng foul si Jake Figueroa na ipinasok ang dalawang free throw na may limang segundo sa orasan at nagmintis ang huling bato ng Warriors.

Namuno sa Bulldogs si Kean Baclaan na may 18 puntos para sa kanilang ika-limang sunod na tagumpay. Sumunod si Figueroa na may 12 puntos.

Sa unang laro, naging maikli ang maliligayang araw ng University of Santo Tomas at tinambakan sila ng De La Salle University, 100-69. Galing ang UST sa 68-62 panalo sa Far Eastern Unversity noong Linggo, ang kanilang una matapos ang 19 magkasunod na talo buhat pa noong nakaraang taon.

First half pa lang ay itinatak ng numero unong kandidato para MVP Kevin Quiambao ang kanyang kalidad at itinala ang 10 ng kanyang kabuuang 22 puntos na may kasamang 12 rebound. Ito na rin ang pinakamahusay na linaro ng baguhan Jonnel Policarpio na nagsumite ng 14.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page