Gobyerno, saka na magbida sa mga investment kuno 'pag may negosyo nang nakatayo
- BULGAR
- Dec 28, 2023
- 2 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | December 28, 2023
DAPAT ANG IBINIBIDA NG DTI, KUNG MAY FOREIGN INVESTOR NANG NAGTAYO NG NEGOSYO SA ‘PINAS AT HINDI ANG MGA PANGAKONG WALANG KATIYAKANG MATUPAD -- Ibinida ng Dept. of Trade and Industry (DTI) na pumalo na raw sa higit P4 trillion ang mga naipangakong investment sa Pilipinas ng mga nakausap na foreign investors ni Pres. Bongbong Marcos (P-BBM) sa mga naging biyahe nito sa iba’t ibang bansa.
Ang dapat na ibinibida ng DTI sa publiko ay kung may natupad na kahit isa sa mga nangakong foreign investors na magtatayo ng negosyo sa Pilipinas, kasi sa totoo lang, walang kasiguruhan ang pangako ng mga dayuhang kapitalista na magtatayo sila ng negosyo sa ‘Pinas, period!
◘◘◘
DAPAT ATUPAGIN NG MARCOS ADMIN MAGDAGDAG NG TRABAHO AT HINDI MAGDAGDAG NG MGA MAGIGING JOBLESS PINOY -- Nasa higit 40K traditional jeepney at UV express ang mapi-phaseout na pagsapit ng January 1, 2024, at kapag kinuwenta ‘yan sa relyebuhan sa pamamasada ng dalawang tsuper, nasa higit 80K na jeepney at UV express drivers ang mawawalan ng hanapbuhay.
‘Yan ang bad sa Marcos administration, na imbes pursigihing makapagdagdag ng trabaho sa mga Pilipino ay magdadagdag pa ng mga jobless Pinoys, tsk!
◘◘◘
INAPRUB NA OIL PRICE HIKE DAGDAG-PAHIRAP SA MAMAMAYAN -- Kahapon ay nagkaroon na naman ng oil price hike ang mga oil company, at ang nadagdag sa presyo ng kada litro ng gasolina ay P1.60, sa kada litro ng diesel ay P1.70 at sa kada litro ng kerosene ay P1.55.
Dahil d’yan, asahan na iyong mga kumpanya na gumagamit ng mga produktong petrolyo sa kanilang mga negosyo ay magtataas na naman ng presyo ng kanilang mga panindang ibinabagsak sa merkado.
Grabe na talaga ang uri ng pamamalakad ng Marcos admin sa Pilipinas, kasi talagang bago magtapos ang taong 2023 ay nagawa pang magdagdag ng pagpapahirap sa mamamayan, boom!
◘◘◘
SURVEY NG SWS NA HAPPY ANG PASKO NG 73% PAMILYANG PINOY SABLAY DAHIL MAS MARAMI ANG NAG-PASKONG TUYO -- Bago mag-Pasko ay naglabas ng survey ang SWS na kesyo 73% daw ng mga pamilyang Pinoy ang umaasang happy ang kanilang Pasko.
Ang survey na ito ng SWS ay masasabing sablay, kasi ayon sa mga manininda sa palengke ay matumal ang naging benta nila sa mga paninda nilang pang-Noche Buena.
Ibig sabihin, marami sa mga mahihirap nating mga kababayan ang nag-Paskong tuyo nitong nakaraan lamang, taliwas sa survey ng SWS na 73% ng pamilyang Pinoy ang naging happy ang Pasko, period!





Comments