by Info @Editorial | September 5, 2024
“Hindi naman kami binabaha noon, ba’t lubog agad kami ngayon?”
“Konting ulan, ang taas na ng baha, ‘anyare?”
“May mga nalibing na naman nang buhay sa landslide.”
Sa paghagupit ng mga bagyo sa bansa, isa sa mga dapat mapagtuunan ng pansin ay ang kahalagahan ng reforestation.
Ang mga pagbaha, landslide, at iba pang epekto ng bagyo ay magbigay nawa sa atin ng bagong pananaw sa halaga ng mga kagubatan sa pagprotekta sa ating komunidad.
Ang reforestation o muling pagtatanim ng mga puno sa mga lugar na nawala ang kagubatan ay isang mahalagang hakbang upang magbigay ng proteksyon laban sa mga kalamidad. Kapag walang mga puno, ang lupa ay mas madaling nabubuwal ng malalakas na ulan at hangin, tulad ng nangyayari ngayon sa hagupit ng Bagyong Enteng.
Sa kasalukuyan, ang ating mga kagubatan ay patuloy na nauubos dahil sa ilegal na pagtotroso, pagmimina, at urbanisasyon. Ang pagkawala ng mga puno ay hindi lamang nagdudulot ng pagkasira sa likas na yaman kundi nagpapalala rin sa epekto ng mga natural na kalamidad.
Si ‘Enteng’ ay isang paalala na kailangan nating kumilos nang mas mabilis at maayos upang mapigilan ang patuloy na pagkasira ng ating kalikasan. Kailangan natin ang isang komprehensibong estratehiya sa reforestation na hindi lamang nakatuon sa pagtatanim ng mga puno kundi pati na rin sa pangangalaga at pagsubaybay sa mga ito.
Ang pakikipagtulungan ng gobyerno, mga lokal na pamahalaan, pribadong sektor, at mga komunidad ay napakahalaga. Ang mga proyekto sa reforestation ay hindi dapat limitado sa pagtatanim ng mga puno, kundi dapat ding maglaman ng mga programa para sa edukasyon at pagbuo ng kamalayan sa kahalagahan ng mga kagubatan.
Ang mga puno na may malalim na ugat at may kakayahang mag-imbak ng tubig ay makatutulong sa pag-iwas sa pagbaha at pagguho ng lupa. Gayundin, ang mga proyektong ito ay dapat na isinasagawa sa mga lugar na talagang nangangailangan ng muling pagtatanim.
Sa huli, ang Bagyong Enteng ay isang malakas na mensahe na ang reforestation ay hindi isang opsyon kundi isang pangangailangan.
Comments