Agaran at sapat na tulong para sa mga OFW na apektado ng giyera
- BULGAR

- Apr 20
- 1 min read
by Info @Editorial | April 20, 2026

Iniulat ng Department of Migrant Workers (DMW) na maraming overseas Filipino workers (OFWs) ang nawalan ng trabaho dahil sa giyera sa Gitnang Silangan.
Ilan umano sa mga OFW ay permanenteng nawalan ng trabaho habang may iba namang pansamantalang natigil.
Bagama't sumaklolo na ang ating gobyerno sa mga apektadong manggagawa sa pamamagitan ng tulong pinansyal, hindi rito natatapos ang kanilang pangangailangan.
Batid nating may mga umiiral nang programa para sa mga repatriated OFWs, tulad ng cash assistance at skills training. Subalit sa dami ng mga apektado, kailangang palawakin at pabilisin ang implementasyon ng mga ito. Hindi dapat matagalan ang pag-abot ng tulong.
Mahalaga ring matutukan ang reintegration programs. Hindi sapat na makabalik lamang sa bansa ang mga OFW—kailangan din silang matulungan na makapagsimula muli. Dito pumapasok ang pag-alalay ng pribadong sektor at mga lokal na pamahalaan.
Sa pamamagitan ng mas maraming job opportunities, livelihood grants, at suporta sa maliliit na negosyo, maaaring mabigyan ng bagong pag-asa ang mga apektadong manggagawa.
Kung tunay ang pagturing sa kanila bilang mga bagong bayani, nararapat lamang na bigyan sila ng sapat na proteksyon at suporta—lalo na sa oras ng panganib at kagipitan.



Comments