Gobyerno, galaw-galaw sa problema sa lisensya at plaka
- BULGAR
- Apr 23, 2023
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | April 23, 2023
Sa gitna ng kakulangan ng mga plastic card na ginagamit sa pag-imprenta ng mga lisensya sa pagmamaneho, nagbabadya rin umano ang kakulangan sa mga plaka ng sasakyan.
Ito ang pahayag ni Transportation Secretary Jaime Bautista sa isang virtual press conference noong Biyernes, kung saan aniya, posibleng hanggang sa katapusan ng Hunyo na lamang maging available ang mga plaka.
Dahil sa nagbabadyang kakulangan, kinakailangan na rin umanong magsawa ng procurement.
Ayon kay Transportation Undersecretary for Administration and Finance Kim de Leon, nangangailangan ng P5.2 bilyong pondo sa 13 milyong plaka upang matugunan ang mga backlog na plaka at kasalukuyang pangangailangan.
Samantala, sinabi ng Land Transportation Office (LTO), noong nakaraang taon na target nitong maalis ang hanggang 90% ng backlog ng plaka sa pagtatapos ng 2023.
Mayroong 2.3 milyong backlog para sa mga pamalit na plaka ng sasakyan at 11.5 milyon para sa mga plaka ng motorsiklo.
Matatandaang, noong Huwebes, inanunsyo ng LTO na dahil sa kakulangan ng plastic cards, papel na muna ang magsisilbing lisensya ng mga motorista.
Magiging malaking problema ang kakulangan ng plaka sa mga nagbabalak na magkaroon ng sasakyan. Maaaring magkaroon sila ng sasakyan, ngunit wala namang plaka.
Kung ganyan ang mangyayari, dapat gumawa ng alternative way o gumamit ng mga raw materials na puwedeng gamitin sa paggawa ng plaka.
Nagbabayad nang tama ang mga kapatid nating motorista, kataka-taka na may shortage pa rin sa mga plaka at driver’s license.
Kung papel lang ang matatanggap ng mga motorista, babaan na lang sana ang singil sa pagkuha o pagre-renew ng driver’s license pati na rin sa plaka.
Ang tanong ngayon ng mga taumbayan, saan napupunta ang pondo?
Maaksyunan agad sana ito ng ating gobyerno bago pa lumala dahil tiyak na maraming motorista ang magpoprotesta dahil sa mahal na singil ng lisensya at plaka, ngunit papel lang ang kanilang matatanggap.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments