top of page
SPECIAL - MISTER NI BEA NA SI VINCENT, ‘DI TINANGGAL SA PUREGOLD_IG _beaalonzo.jpeg

Gobyerno, galaw-galaw sa pambu-bully ng China

Writer: BULGAR
BULGAR
Aug 7, 2023
2 min read

ni Ryan Sison @Boses | August 7, 2023


Muli na namang nagpakita ng pambu-bully ang China Coast Guard (CCG) matapos nitong ilegal na gumamit ng water cannon sa mga sasakyang pandagat ng Philippine Coast Guard (PCG) sa Ayungin Shoal para sana sa isang resupply mission sa BRP Sierra Madre.


Pahayag naman ng PCG, mapanganib at ilegal ang paggamit ng mga water cannon ng CCG laban sa kanilang mga sasakyang pandagat na nag-escort sa mga katutubong bangka na pinaarkila ng Armed Forces of the Philippines (AFP) para maghatid sana ng pagkain, tubig, gasolina, at iba pang suplay sa mga military troops na nakatalaga sa BRP Sierra Madre.


Ang Ayungin Shoal ay bahagi ng Kalayaan Island Group, na isang mahalagang bahagi ng Pilipinas, gayundin ang exclusive economic zone at continental shelf ng Pilipinas, kung saan ang Pilipinas ay may soberanya, mga karapatan at hurisdiksyon.


Hiniling umano sa mga CCG bilang isang organisasyon na may responsibilidad silang sundin ang mga obligasyon ng estado sa ilalim ng UNCLOS, COLREGs, at iba pang nauugnay sa international maritime safety and security, na itigil ang lahat ng mga ilegal na aktibidad sa loob ng mga maritime zone ng Pilipinas.


Hindi ito ang unang beses na pangha-harass ng China sa mga PCG. Matatandaang nagsagawa na rin ng resupply mission ang PCG noong Agosto, ngunit tinutukan naman sila ng laser beam ng China.


Kung hindi gagawa ng aksyon ang gobyerno, maaaring maulit at maulit pa ang pambu-bully ng China sa ating mga Philippine Coast Guard, maging sa mga mangingisdang Pilipino. Ang masaklap pa, baka mas lumala ang pananakot nila.


Nararapat na sigurong gumawa ng plano kung paano matitigil ang mga pananakot ng mga Tsino dahil patagal nang patagal ay tila hindi na nila ginagalang ang soberanya ng Pilipinas.


Kung nirerespeto natin ang China, dapat ay respetuhin din nila tayo, lalong huwag tayong magpasindak sa kanilang mga pananakot. Kailangan nating protektahan ang ating teritoryo.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page