Gobyerno, galaw-galaw kontra online scammers
- BULGAR
- Dec 13, 2020
- 1 min read
@Editorial | December 13, 2020
Mas lalong namayagpag ang mga online scammers ngayong taon.
Ayon sa mga awtoridad, dumoble ang mga reklamo hinggil sa online scams dahil mas marami rin ang nakikipagtransaksiyon ngayon online kasabay ng ipinatutupad na quarantine restrictions dahil sa COVID-19 pandemic.
At mas lalo pang tumataas ang bilang ng mga nabibiktima habang papalapit ang Pasko. Ito na kasi ang panahon ng pamimili ng regalo para sa sarili at sa mga mahal sa buhay.
Ang ganap kasi ngayon, sa halip na mainis sa matinding trapik at para makaiwas na rin sa dagsa ng mamimili, isang click na lang, puwede nang makapag-shopping. Ang problema, kailangan mo namang mas tindihan ang pag-iingat laban sa mga scammers!
Unang-unang ipinapayo sa online buyer, bumili ng produkto o serbisyo sa mga lehitimong platform. Huwag magpapasilaw sa mataas na discount at kung anu-anong promo.
Hangga’t maaari, iwasan ang “payment first policy”, tutal marami namang nag-aalok ng cash on delivery. Ugaliin ding mag-usisa sa profile ng seller, mismong produkto at basahin ang reviews ng mga naunang buyer. Sabi nila matatalino na raw ang mga scammer ngayon, pwes dapat mas maging matalino tayong mga kostumer at huwag magpapaloko.
Panawagan din sa mga awtoridad, galaw-galaw din laban sa mga pasaway na ‘to. Marahil kaya hindi sila maubus-ubos at mas lalo pang namamayagpag ay dahil hindi pa nila ramdam ang parusa sa kanilang panloloko. Kung magkakaroon ng mabigat na penalty at talagang may masasampolan, siguro naman ay hindi na sila maglalakas-loob na manamantala.


Comments