top of page

Gobyerno, dapat umaksyon sa hinaing at apela ng mga tsuper at komyuter

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jul 15, 2023
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | July 15, 2023


Nananawagan ang Land Transportation Franchising Board (LTFRB) sa grupong Malayang Alyansa ng Bus Employees at Laborers (MANIBELA) na planong magsagawa ng tatlong araw na transport strike tungkol sa kontrobersyal na PUV modernization program.


Matatandaang noong Miyerkules, inanunsyo ng grupo ang plano nilang tigil-pasada na isasagawa mula Hulyo 24 hanggang 26. Ito ay matapos na hindi na sila kausapin ng Department of Transportation (DOTr) hinggil sa pag-review ng Omnibus Franchising Guidelines.


Layunin ng guidelines na tanggalin sa kalsada ang mga tradisyunal na jeepney kapalit ng modernong public utility vehicle na nagkakahalaga ng milyun-milyon, bagay na hindi abot-kaya para sa ilang tsuper at operator.


Hinimok naman ni LTFRB Board Member Mercy Jane Paras-Leynes ang mga transport organization na pag-isipang muli ang kanilang mga plano para sa tatlong araw na transport strike at sinabi na hindi nito kailangang umabot sa marahas na hakbang.


Gayunman, tiniyak ng opisyal ng LTFRB sa publiko na handa silang tumulong sa mga commuters na tatamaan ng planong transport hike.


Aniya, ang LTFRB at ang Department of Transportation (DOTr) at ang mga katuwang na ahensya nito ay kasalukuyang nakikipag-ugnayan upang matiyak na may mga alternatibong paraan ng transportasyon para sa mga commuter.


Ayon din kay Leynes, wala pa silang impormasyon kung ilang grupo ang lalahok sa transport strike, na ang unang araw ay kasabay ng ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.


Sinabi pa ng opisyal ng LTFRB sa transport groups na bukas ang LTFRB at DOTr para sa mga diyalogo at hinimok silang huwag magsagawa ng mga hakbang na makakaapekto sa mga commuter.


Sa totoo lang, maraming commuters ang maaapektuhan sa tigil-pasada ng mga tsuper kaya naman hiling natin na ‘wag na itong matuloy.


Masaklap din ito para sa mga tsuper dahil kung tatlong araw silang magtitigil-pasada, talagang wala na silang kikitain na pambili ng makakain, kaya sana ay pag-isipan nila itong mabuti.


Siguro naman, hindi sila pababayaan ng gobyerno kung sakaling matuloy na ang jeepney phaseout.


Hiling lang sana natin na pakinggan ng gobyerno ang hinaing ng mga tsuper, habang ang ating mga tsuper ay gawin din ang kanilang responsibilidad na maghatid ng serbisyo publiko.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page