Gobyerno, dapat tiyaking hindi malalagay sa alanganin ang taumbayan ‘pag lumarga na ang bakuna
- BULGAR
- Feb 14, 2021
- 1 min read
@Editorial | February 14, 2021
Marami ang natuwa nang sabihing handa nang magpaturok kontra COVID-19 sa harap ng publiko si Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa pamamagitan nito ay mababawasan o mawawala na ang takot ng taumbayan sa bakuna.
Samantala, pumayag naman ang ating gobyerno na tayo muna ang bahalang sumagot at umalalay sa mga mababakunahan kontra COVID-19 na mayroong adverse effect o hindi magandang epekto sa kanilang katawan.
Ayon sa Department of Health (DOH), humiling ang mga vaccine manufacturers na magkaroon ng indemnification agreement.
Nais ng mga manufacturers na wala munang makasuhan sa kanila dahil ang mga bakuna ay kasalukuyan pang dini-develop.
Dahil dito, ang pamahalaan muna ang sasagot sa gastusin ng indibidwal na mayroong hindi magandang reaksiyon ng bakuna.
Kung sakaling maospital ang indibidwal na naturukan ay sasagutin ito ng pamahalaan sa pamamagitan ng PhilHealth.
Pero hindi lamang pagpapaospital ang sasagutin ng pamahalaan dahil mayroon silang ibibigay na suporta at assistance.
Magkakaroon naman ng iba pang forms ng indemnification at isinasapinal na ito sa ngayon.
Sa ganitong usapin, umaasa tayong hindi naman tayo malagay sa alanganin. Siyempre, ang gusto natin ay ligtas at epektib na bakuna bagama’t hindi naman talaga maiiwasan na magkaroon ng magkakaibang epekto sa matururukan.
Kaya makatutulong din na alamin muna kung sino ba ang mga dapat mabigyan ng bakuna.
Sakaling mangyari nga na may ibang maturukan na hindi maganda ang naging epekto, sana’y handa ang gobyerno. Ngayon pa lang ay tiyakin nang may pondo at higit sa lahat, alam ang gagawin upang hindi na pagmulan pa ng takot.
Hindi natatapos sa pagkakaroon ng supply ng bakuna ang laban sa COVID-19, ito ay malawak at mahabang proseso na dapat tutukan upang maging matagumpay.



Comments