Gobyerno, dagdagan ang kilos, ‘wag puro utang
- BULGAR
- Aug 18, 2023
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | August 18, 2023
Sa kabila na mayroong sapat na supply ng bigas, inatasan na ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang Department of Agriculture (DA) at ang Department of Trade and Industry (DTI) ang mahigpit na pag-monitor ng presyo ng bigas sa lokal na merkado.
Ayon sa Presidential Communications Office (PCO), patuloy na nakikipag-ugnayan ang pamahalaan sa pribadong sektor para maging makatwiran ang presyo at abot-kaya ang bigas sa pamilihan at sa Kadiwa stores.
Sinabi ng PCO, batay na rin sa ulat ng DA na ang mga retailer ay nagbebenta ng bigas sa iba’t ibang halaga, kung saan mayroong P38-P40 kada kilo habang ang iba ay P50 kada kilo.
Base pa sa DA price monitoring umano, ang well-milled local commercial rice ay ibinebenta sa P42-P52 kada kilo sa Metro Manila. Samantalang ang regular milled local commercial rice ay ibinebenta naman sa P38-P50 kada kilo.
Nangako naman ang administrasyong Marcos na kanilang hahabulin ang mga hoarder at price manipulators ng bigas na sadyang nananamantala sa lean months bago ang harvest season.
Sa patuloy na pagtaas ng presyo ng bigas at iba pang bilihin, ang taumbayan talaga ang nakararanas ng matinding hirap sa buhay.
Marahil, dapat na maresolbahan na ito ng gobyerno bago pa lumala ang sitwasyon at malugmok na naman ang marami sa kahirapan.
Sa halip na mangutang nang mangutang ang bansa, bakit hindi natin pagyamin kung ano ang mayroon tayo at tulungan ang ating mga magsasaka sa kanilang binubungkal na lupa.
Sana, hindi lang din pag-monitor sa presyo ng bigas o mga bilihin ang gawin ng kinauukulan, kundi dapat mag-isip at gumawa ng paraan para makatulong at maibsan ang gutom at hirap ng mga mamamayan.
At kung gusto rin nating makabangon talaga sa kahirapan, dapat na tulungan ng mas malalakas ang totoong mahihina.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments