Gobyerno at publiko, tulung-tulong sa pagtitipid ng tubig
ni Ryan Sison - @Boses | June 10, 2023
Inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang lahat ng ahensya ng gobyerno na ipatupad at magsagawa ng mga hakbang hinggil sa pagtitipid ng tubig sa gitna ng banta ng El Niño at posibleng epekto nito sa bansa.
Una nang sinabi ng PAGASA nitong Mayo na nasa 80% ang posibilidad na magsimula ang El Niño sa pagitan ng Hunyo hanggang Agosto na maaaring tumagal hanggang 2024. Gayundin, tumataas ang below-normal rainfall conditions na magdudulot ng tagtuyot maliban sa kanlurang bahagi ng bansa.
Batay sa Memorandum Circular 22 na nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin, ayon sa direktiba ng Pangulo, ang bagong likhang Water Resources Management Office, sa ilalim ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), na manguna sa pagpapatupad ng isang nationwide water conservation program, sa pakikipag-ugnayan sa iba pang kaugnay na ahensya ng gobyerno.
Dagdag pa rito, ang lahat ng mga ahensya ng gobyerno at instrumentalities, kabilang na ang mga government-owned or -controlled corporations at state universities at colleges, ay inaatasan na tukuyin at ipatupad ang mga ispesipiko, quantifiable, at attainable water conservation measures na magreresulta sa 10% water volume reduction mula Enero hanggang Marso ng kasalukuyang taon sa konsumo.
Kaugnay nito, inatasan na rin ang Local Water Utilities Administration, National Water Resources Board at Metropolitan Waterworks and Sewerages System (Maynilad at Manila Water) na magsumite sa WRMO ng buwan-buwang supply demand projection na tutukoy naman kung magkakaroon ng kakulangan ng tubig sa hinaharap. Hinihikayat din ang private water service providers (WSP) na isagawa ito.
Matatandaang ipinahayag ng National Water Resources Board na hindi masu-sustain ng Angat Dam ang current allocation ng raw water para sa mga private concessionaires matapos ang ika-15 ng Hunyo, dahilan para mabahala ang ilan sa matinding water interruptions sa Kamaynilaan.
Magiging malaking problema ang posibleng kaharapin ng bansa kung hindi agad masosolusyunan ang kakapusan ng suplay ng tubig lalo’t nagbabanta na ang El Niño.
Marahil, dapat suportahan ng mga mamamayan at hindi lamang ng mga ahensya ng gobyerno ang direktibang ito ng Pangulo hinggil sa pagtitipid ng tubig.
Bago pa tuluyang lumala at umabot sa puntong makaranas ang bansa ng tagtuyot, nararapat lamang na tayong lahat ay makiisa sa programang ito ng gobyerno.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments