Gobyerno at media, dapat joint forces vs. fake news
ni Ryan Sison @Boses | April 29, 2023
Hinimok ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. noong Huwebes ang Fourth Estate na tulungan ang mga Pilipino na makilala ang tunay na impormasyon mula sa propaganda.
Nanawagan si Pangulong Marcos sa ika-50 anibersaryo ng Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP), at sinabing ang industriya ng media ay nahaharap sa iba’t ibang isyu tulad ng hamon sa pagtiyak ng integridad at kredibilidad ng impormasyon.
Ikinalungkot niya ang paglaganap ng mga maling impormasyon, disinformation, at ‘fake news,’ na nagsasabing ito ay mga negatibong epekto ng mga technological advancements at social media age.
Giit pa ni Marcos, “We started with mistaken information, then it became more active, disinformation, and misinformation and now, out-and-out, fake news. However, it is something that is to be expected considering how powerful the tool social media has become.”
Dagdag pa niya, ang press at broadcast media ay instrumento sa pagpapaalam sa mamamayan, sa paghubog ng opinyon ng publiko, at pag-trigger ng panlipunang mobilisasyon at pagbabago.
Sinabi ni Marcos na ang gobyerno ay nakatuon sa pagtiyak ng transparency at mabuting pamamahala, kalayaan sa pagpapahayag at ng pamamahayag, at proteksyon ng media practitioners at kanilang mga karapatan sa pagsasagawa ng kanilang propesyon.
Nangako rin siya na makikipagtulungan ang gobyerno sa press para mapabuti ang ranking ng Pilipinas sa World Press Freedom Index, kung saan ang bansa ay nasa ika-147 na puwesto.
Ang KBP ay isang non-government at non-profit organization na nilikha noong Abril 27, 1973.
Nagsusulong ito para sa mga propesyonal at etikal na pamantayan na nakatuon sa pagtataguyod ng responsable at libreng broadcast media, pati na rin ang pagpapanatili ng isang nauugnay na papel para sa mga miyembro nito sa lipunan pagdating sa malayang pamamahayag.
Sa mga nakalipas na dekada, ang social media ay pangunahing ginagamit ng mga tao.
Madalas nating gamitin ang teknolohiyang ito para sa ‘entertainment’ at pangangalap ng balita.
Bagama’t ang balita ay maaaring maghatid sa atin ng tumpak at makatotohanang impormasyon tungkol sa mga nangyayari sa mundo, maaari rin itong manipulahin at gawing ‘fake news.’
Sa panahon ngayon, mas madali para sa iba na gumawa ng ‘fake news’ dahil karamihan sa atin ay kumukuha lamang ng impormasyon sa internet.
Marami kasi sa atin ang madaling maniwala sa mga nababasa sa social media, kaya mabuting tiyakin natin na credible at reliable ang mga news sites na ating binabasa.
Maganda ang layunin ng ating Pangulo upang magkaroon ng kaalaman ang ibang tao sa pagtukoy kung ano ang fake news sa hindi.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments