Gobyerno ang dapat magbigay ng proteksyon sa taumbayan
- BULGAR
- Mar 8, 2023
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | March 8, 2023
Kadalasan, ang pagkakaroon ng mga private army ng isang indibidwal ay nagiging sanhi ng nangyayaring patayan sa ating bansa.
Kung kaya ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa Department of the Interior and Local Government (DILG) at Philippine National Police (PNP) na buwagin ang private armies habang kailangang tukuyin ng dalawang ahenssya ang mga hotspot na lugar katulad ng ginagawa tuwing panahon ng eleksyon.
Ito ang ipinahayag ng Pangulo matapos ang sunud-sunod na pag-ambush sa mga opisyal ng gobyerno na ang pinakabago ay ang pagpatay sa kanyang ally na si Negros Oriental Governor Roel Degamo.
Inatasan na rin ni Marcos si DILG Secretary Benhur Abalos at ang PNP na magsagawa ng eksaminasyon kagaya ng ipinatutupad kapag dumarating ang eleksyon, kung saan kailangan nilang gawin ito ulit ngayon at alamin ang maiinit na lugar at inspeksyunin ang mga ito.
Anang Pangulo, dapat ding kumpiskahin nila ang mga illegal firearms upang matigil na ang mga nagaganap na patayan sa bansa. Paliwanag niya, kapag kaunti ang mga ilegal na armas ay kakaunti rin ang magiging ganitong klase ng krimen.
Binigyang-diin pa ni Marcos na kailangan nang i-dismantle o buwagin ang lahat ng mga private army na mayroon sa ngayon.
Hindi naman makapaniwala ang Pangulo sa mga serye ng patayang nagaganap sa mga pulitiko, kung saan may mga indibidwal pa na kahit na walang kinalaman ay nadamay sa gulo at napatay.
Giit niya, ang anumang karahasan ay hindi nabibilang sa ating lipunan habang nangakong hindi niya ito pababayaang mauwi lamang sa wala.
Aniya, handa ang gobyerno na magbigay ng proteksyon sa mga lokal na opisyal na nag-iisip na maaaring nag-iisip sila rin ay maging target ng asasinasyon.
Minsan maganda na magkaroon ng mga private army ang isang indibidwal dahil may magiging tagapagbantay na sa unang tingin ay magiging safe ang iyong buhay.
Gayunman, may kaakibat itong panganib sa dahilang ang mga ito ay palaging may mga bitbit na baril at iba’t ibang uri ng armas.
Batid natin na kung minsan, nagsisimula ang karahasan sa simpleng paghawak ng baril o armas na walang habas na ginagamit sa kanyang kapwa at ang resulta ay pagbubuwis ng buhay.
Marahil, tama lang ang gagawin ng kinauukulan na buwagin na ang mga private army upang hindi na lumala pa ang kalagayang pulitikal ng bansa.
Ang dapat na magbigay ng proteksyon, hindi lamang sa mga lokal na opisyal maging sa taumbayan ay ang ating pamahalaan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments