GM's Paragua, So at FIDE Master Severino, larga na sa Olympiad
- BULGAR

- Jul 22, 2020
- 2 min read
ni VA - @Sports | July 22, 2020

Tatlong Filipino ang nakatakdang maglaro sa board 1 sa gaganaping 1st FIDE Online Olympiad simula ngayong araw na ito- Hulyo 22.
Kabilang rito ang New York-based Grandmaster na si Mark Paragua na siyang mamumuno para sa Team Philippines, si GM Wesley So na maglalaro namang top board player para sa Estados Unidos at si FIDE Master Sander Severino na mangunguna naman sa Team Philippines sa International Physically Disabled Chess Association (IPCA) selection na may kabuuang 163 pederasyon ang kalahok.
Si Paragua ang nanguna sa nakaraang buwang men's qualifiers at makakasama nya sa 6-player mixed team sina Arizona-based GM Rogelio "Banjo" Barcenilla, Woman GM Janelle Mae Frayna, Woman International Master (IM) Jan Jodilyn Fronda, IM Daniel Quizon at Woman IM Kylen Joy Mordido.
Ang iba pang miyembro ng Team Philippines ay sina GM Darwin Laylo at Rogelio "Joey" Antonio, Woman IM Catherine Secopito at Bernadette Galas, Michael Concio at Jerlyn Mae San Diego.
Ang mga teammates naman ni So para sa third ranked Team USA ay sina GM Sam Shankland, GM Jeffery Xiong at Ray Robson, IM Carissa Yip, Anna Zatonskih at Annie Wang, at Woman GM Tatev Abrahamyan.
Kasama naman ni Severino, ang reigning world champion sa hanay ng mga physically challenged sina dating IPCA world champions IM Andrei Gurbanov ng Israel, IM Andrei Obodchuk ng Russia at IM Igor Yarmonov ng Ukraine. Ang Team Philippines ay kasalukuyang nasa 39th overall sa ranking at 22nd sa Division 2.
Ayon kay national head coach Eugene Torre , target nila na malagpasan ang kanilang seedings sa simula ng torneo. Kasama ng Team Philippines sa Division 2 ang Gemany, Romania, Turkey, Greece, Spain, Italy, England, Hungary, Israel, Belarus, Sweden, Croatia, Indonesia, Serbia, Bulgaria, Slovenia, Slovakia, Colombia, Ecuador, North Macedonia, Latvia, Switzerland, Norway, Argentina, Austria, Bangladesh, Australia, Moldova, Iceland, Montenegro, Turkmenistan, Kyrgyzstan, Estonia at Netherlands.
Ang mga koponan naman sa Top Division kasama ng top seeds Russia, China at US ang Armenia, Ukraine, Azerbaijan, India, Cuba, Poland, Kazakhstan, Vietnam, Georgia, Iran, Canada, Egypt, Peru, Mongolia, Uzbekistan, Brazil, Paraguay, France, Morocco, Algeria, Zimbabwe at South Africa.




Comments