top of page

Glycine, makakatulong para iwas-atake sa puso

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Dec 9, 2024
  • 3 min read

ni Dr. / Atty. Erwin P. Erfe, M.D. @Sabi ni Doc | Dec. 9, 2024




Dear Doc Erwin, 


Ako ay 54 years old, may pamilya at isang government employee. Tatlong taon na ang nakakaraan ay inatake ako sa puso at na-confine sa ospital. Mula noon ay pinaiinom na ako ng maintenance medications ng aking doktor para sa aking puso at pampababa ng blood sugar.


Recently sa isang conference kung saan ako ay isa sa mga participant, ay pinayuhan ako ng isang doktor na dalubhasa sa alternative medicine na uminom ng Glycine supplements dahil sa makakatulong daw ito sa akin.


Nais ko sanang malaman kung paano makakatulong ang Glycine supplements sa isang katulad ko na may sakit sa puso. May mga pag-aaral na ba ang mga dalubhasa tungkol sa mga epekto ng Glycine sa ating katawan? Sana ay mabigyan n’yo ng pansin ang aking liham.

— Mario



Maraming salamat Mario sa iyong pagliham at pagsubaybay sa Sabi ni Doc at BULGAR newspaper.

 

Ang Glycine ay isang amino acid na ginagamit ng ating katawan upang bumuo ng protina na kailangan ng ating katawan. Bagama't ito ay kayang gawin ng ating katawan maaari rin nating makuha ang Glycine mula sa Glycine supplements (capsule or powder form). Puwede rin nating makuha ang Glycine mula sa pagkain ng iba't ibang uri ng karne, isda, mani, almonds, cheese, lentils at itlog.


Maraming naitutulong ang Glycine sa ating katawan. Ang Glycine ay ginagamit ng ating katawan upang bumuo ng anti-oxidant ng Glutathione. Ang Glutathione ay panlaban natin sa mga sakit sa pamamagitan ng pagkontra nito sa oxidative stress. Habang tayo ay tumatanda, ay humihina ang produksyon natin ng Glutathione kaya't kailangan natin ang Glycine upang mapanatili na mataas ang level ng Glutathione sa ating katawan.


Ginagamit din ng ating katawan ang Glycine upang gumawa ng Creatine, na kinakailangan ng ating muscles at brain bilang enerhiya. Popular na supplement na pampalakas at pampabilis ang Creatine sa mga athlete. Ginagamit din ang Creatine upang makatulong sa mga may edad na (lalo na ang mga senior citizen) upang mag-improve ang kanilang memorya at cognitive functioning.


Napag-alaman din ng mga dalubhasa na tumutulong ang Glycine upang mapababa ang blood sugar sa mga indibidwal na tumataas ang blood sugar o sa mga may diabetes.

Nakakatulong din ito sa mga may insomnia lalo na kung iinumin ang Glycine sa gabi bago matulog. Maaari ring protektahan ng Glycine ang atay (liver) sa mga taong umiinom ng alak.


Bukod sa mga nabanggit na mga benepisyo sa ating kalusugan ng Glycine, sa isang pag-aaral na inilathala sa Journal of the American Heart Association (JAHA) noong December 31, 2015 ay may epekto rin ito sa ating puso. Ayon sa clinical trial na ito mas mababa ang risk na atakihin sa puso ang mga indibidwal na mataas ang blood level ng Glycine. 


Nito lamang October 7, 2023 ay nalathala sa Journal of Translational Medicine ang resulta ng isang pag-aaral kung saan nakita ng mga dalubhasa na bumababa ang risk na magkaroon ng sakit sa puso (coronary artery disease) at atake sa puso (myocardial infarction) kung mataas ang blood level ng Glycine. 


Ang dalawang nabanggit na mga scientific studies marahil ang dahilan kaya't pinayuhan ka ng doktor na uminom ng Glycine supplements upang makatulong ito na makaiwas ka sa pangalawang atake sa puso at bumaba rin ang iyong blood sugar level. Bukod sa epekto na ito ng Glycine ay marami pa itong health benefits na binanggit natin sa itaas.


Maraming salamat muli sa iyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang iyong kalusugan.

Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com

 
 
 

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page