Glow at Water Warriors, dinoble ang kabiguan ng STAN
- BULGAR
- Sep 19, 2021
- 2 min read
ni Anthony E. Servinio - @Sports | September 19, 2021

Umarangkada sa kanilang ikatlong sunod na panalo ang Glutagence Glow Boosters laban sa STAN Quezon Lady Spartan, 59-50, sa pagbabalik ng Women’s National Basketball League (WNBL) 2021 kahapon sa Bren Z. Guiao Convention Center sa San Fernando, Pampanga. Walang nakapigil kay Raiza Palmera-Dy at nakamit niya ang ikatlong sunod na Best Player award.
Sinimulan ni Palmera-Dy ang laban sa tres at mula roon ay hindi na nila ipinatikim sa Lady Spartan ang lamat o kahilt tabla lang. Umabot ng 21 ang lamang ng Glutagence matapos ipasok ang unang 6 pts sa 4th quarter, 54-33.
Nagtapos si Palmera-Dy na may 19 pts at tinulungan siya ng mga reserbang sina Nicole Cancio at Micah Joy Figuracion na may 8 at 9 pts. Hindi naglaro sa Glutagence si Khate Castillo dahil bahagi siya ng Gilas Pilipinas na naghahanda para sa FIBA Women’s Asian Cup sa Amman, Jordan.
Doble dagok ang nalasap ng STAN at nilunod ng Muntinlupa Water Warriors ang STAN Quezon Spartan, 107-52, sa pagbabalik ng Chooks To Go National Basketball League (NBL) Chairman’s Cup 2021. Ibinuhos ng Muntinlupa ang buong lakas kontra sa Spartan na dumating na may walong baguhan sa 11 manlalaro at may bagong coach na si Ryan Joseph Pino na pinalitan si Coach Mel Alas matapos ang 94-116 pagyuko sa Bulacan DF Republicans sa pagbubukas ng liga noong Hulyo 17.
Humugot ng lakas ang Water Warriors ni Coach Siegfred Levita mula sa dating UE Warrior na si Jed Mendoza na sulit ang 29 puntos sa 27 minutong paglalaro. Sinundan ng isa pang dating UE Warrior na si Biboy Enguio na halimaw sa 18 pts.
Patuloy pa rin ang aksyon ngayong Linggo sa pagsubok ng Pampanga Delta sa bisitang Laguna Pistons sa tampok na laro sa 4 p.m. Bago nito, magtatapat ang dalawang kinatawan ng lalawigan ng Quezon na Sulong STAN Spartan at Quezon Barons sa 1:15 ng hapon.





Comments