Gilas Women kinapos na naman, Japan wagi sa FIBA Asia Cup
- BULGAR
- Jul 15
- 2 min read
ni Anthony E. Servinio @Sports | July 15, 2025
Photo: Asia Women's Cup China 2025 - FIBA
Laro ngayong Miyerkules – Shenzhen 1:30 PM Lebanon vs. Pilipinas
Nilasap ng Gilas Pilipinas ang kanilang ikalawang sunod na talo sa FIBA Women’s Asia Cup China 2025 Division A kagabi sa Shenzhen Sports Center. Nanaig ang Japan sa mga Pinay, 85-82, upang matiyak ang lugar nila sa playoffs.
Napako ang mga Haponesa sa 83 puntos at bumuhos ng 18 sunod-sunod ang mga Pinay para maging 79-83 at 15 segundo sa orasan. Nakakuha ng foul si Okoye at ipinasok ang dalawang free throw, 85-79, bago bumanat ng three-points si Vanessa de Jesus sabay tunog ng huling busina.
Unang quarter lang nakasabay ang Gilas ang tabla ang laban, 18-18. Biglang rumatrat ng 13 walang-sagot na puntos ang mga Haponesa, 31-18, bago tinapos ng shoot ni Khate Castillo ang quarter, 20-31.
Mula doon ay lalong tinambakan ang mga Pinay at umabot ng 22 sa buslo ni Monica Okoye na nagbukas ng huling quarter, 79-57. Kung may konswelo para sa Gilas, tinakot nila ang Japan.
Namuno sa Japan si Maki Takada na may 20 at Minami Yabu na may 15. Pumantay ang Japan sa Australia sa 2-0 para sa liderato ng Grupo B.
Bumawi si Jack Danielle Animam mula sa kanyang malamyang laro kontra Australia at nagtala ng 24 puntos at 13 rebound. Sumunod sina de Jesus at Naomi Panganiban na parehong may 13 at Sumayah Sugapong na may 12.
Susunod para sa Gilas sa Miyerkules ang kapwa walang panalo Lebanon. Tinambakan ng Australia ang mga Lebanese sa naunang laro, 113-34.
Mahalaga na manaig sa Lebanon upang maiwasan ang playoff kasama sa huling koponan sa Grupo A at ang matatalo ay bababa sa Division B sa 2027. Ang unang anim ng torneo ay tutuloy sa qualifier para sa FIBA Women’s World Cup 2026 sa Alemanya.
Comments