Gilas Hiraya na ang taguri sa Women's National Team

ni Anthony Servinio @Sports | November 16, 2026

Photo: Opisyal nang inilunsad bilang bagong pangalan ng women's national team basketball ang Gilas Hiraya. (TeamPilipinaspix)
Gilas Hiraya na ang itawag sa pambansang koponan ng kababaihan sa Basketball. Ipinakilala ng Samahang Basketbol ng Pilipinas ang bagong pangalan na hudyat ng bagong kabanata para sa dating Gilas Pilipinas Women at Perlas Pilipinas.
Ayon kay SBP Executive Director Erika Dy, bunga ito ng suhestiyon ng FIBA na bigyan ng sariling pagkakakilanlan ang mga koponan ng babae at lalake. Nagtanong muna sila ng saloobin ng mga manlalaro bago tuluyang nagpasya ang SBP Board sa pagbago ng pangalan.
Ang "Hiraya" ay hango sa salita sa sinaunang Tagalog na ang ibig sabihin ay ang bunga ng mga pangarap. Ito rin ang kakayahan na gamitin ang utak upang managinip at lumikha.
Pangunahing pinaghahandaan ng Hiraya ang FIBA Women's Asia Cup sa Seaside Arena Cebu sa Hulyo, 2027. Mahalaga ang torneo dahil apat na tiket para sa qualifiers ng Los Angeles 2028 Olympics ang nakataya.
Matapos ang Asia Cup ay ipagtatanggol ng Hiraya ang kanilang gintong medalya sa Southeast Asian Games sa Malaysia sa Setyembre. Babawi rin ang mga Pinay sa 3x3 kung saan wala silang nakamit na medalya.
Sakop din ang 3x3 ng Hiraya. Magiging abala ang lahat dahil ito na ang mga nalalabing buwan upang makalikom ng puntos sa FIBA3x3 Ranking para maimbitahan sa mga qualifier para sa LA 2028.
Nakatakdang lumahok ang Hiraya sa pagbabalik ng Manila Hustle sa Pebrero at FIBA3x3 Asia Cup sa Mongolia sa Marso 31. Nariyan din ang mga yugto ng Women's Series.





Comments