Gilas 'di pinaporma ng Angola
- BULGAR

- Aug 27, 2023
- 2 min read
ni Anthony E. Servinio @Sports | August 27, 2023

Naubusan ng lakas ang Gilas Pilipinas sa huling mga minuto at pabayaan ang bisitang Angola na maukit ang 70-80 na tagumpay sa pagpapatuloy ng 2023 FIBA World Cup sa Araneta Coliseum, Linggo ng gabi.
Kahit hindi nakuha ang inaasam na resulta, may pag-asa pa rin ang mga Pinoy na makapasok sa sunod na yugto ng torneo papasok sa huling araw ng group stage sa Martes.
Lamang lang ng 56-52 ang Angola at biglang napalaki nila ito sa 73-57 na may 3:39 nalalabi. Subalit hindi basta sumuko ang Pinoy at hinimok ng 12,784 tagahanga at rumatrat ng 11 sunod-sunod na puntos upang magbanta sa mga free throw ni Kai Sotto, 68-73, at 1:12 sa orasan.
Biglang pinatay ng three-points ni Gerson Domingos ang sunog, 76-68, at ito na ay sapat sa huling 47 segundo. Kinapos sa oras ang Gilas sa gitna ng mga pahabol nina Jordan Clarkson at AJ Edu.
Limang Angolan ang nagtapos na may 10 o higit na puntos sa pangunguna ni Gerson Goncalves na may 17 at Domingos na may 15. May 14 puntos si Bruno Fernando na namayani laban sa mga higante ng Gilas.
Nanguna sa Gilas si Clarkson na may 21 puntos. Walang nakaabot ng 10 puntos at siyam lang si Edu at tig-walo sina Sotto, Dwight Ramos at Roger Pogoy.
Maaaring tumabla ang Pilipinas, Italya at Angola sa 1-2 at gagamit ng FIBA quotient upang malaman kung sino sa kanila ang tutuloy. Para mangyari ito, dapat manalo ang Gilas sa Italya at parisan ng talo ng Angola sa Dominican Republic.
Nanaig ang mga Dominicano sa mga Italyano sa pambungad na laban, 87-82, upang buksan ang pinto para sa mga Pinoy. Tumira ng tig-24 puntos sina Karl-Anthony Towns at Andres Feliz.








Comments