Giannis, MVP; Team Lebron, nagpasikat sa All Star Game

ni Anthony E. Servinio - @Sports | March 9, 2021

Winalis ng Team LeBron ang Team Durant, 170-150, sa 2021 NBA All-Star Game kahapon sa State Farm Arena ng Atlanta, Georgia. Wagi ang koponan ni LeBron James sa lahat unang tatlong quarter sa mga iskor na 40-39, 60-41 at 46-45 at hindi nagpreno upang wakasan ng maaga ang laban sa fourth quarter.
Itinanghal si Giannis Antetokounmpo ng Team LeBron at Milwaukee Bucks bilang Kia All-Star MVP at ginawaran ng Kobe Bryant Trophy. Walang mintis ang “Greek Freak” sa kanyang 16 tira para magtapos na may 35 puntos.
Nag-ambag ng 32 mula sa walong tres ang reserbang si Damian Lillard ng Portland Trail Blazers. Nagtabi ng lakas si Stephen Curry ng Golden State Warriors at pumukol din ng walong tres para sa 28 puntos matapos maghari sa pangalawang pagkakataon sa MTN Dew Three-Point Contest bago ang laro.
Nag-uwi ng $300,000 (P14.572 milyon) ang Team LeBron para sa kanilang napiling kawanggawa na Thurgood Marshall College Fund. May dagdag pa silang $150,000 (P7.286 milyon) para sa mga tagumpay sa unang tatlong quarter na itinuring na magkakahiwalay na laban.
Dahil lamang ang Team LeBron, 146-125, ang fourth quarter ay magwawakas oras na may koponan na aabot ng 170 puntos. Ito ang iskor ng lamang na koponan na may dagdag 24 bilang parangal sa namayapang alamat na si Bryant.
Kumuha ng lakas ang Team Durant sa kanilang mga guwardiya sa pamumuno ni Bradley Beal ng Washington Wizards na may 26 puntos. Sinundan siya ni Kyrie Irving ng Brooklyn Nets na may 24 puntos at 12 assist.
Nanatiling perpekto si James sa apat na pagkakataon na itinalaga siya bilang kapitan at magbuo ng sariling koponan buhat pa noong 2018. Unang nagwagi ang Team LeBron sa Team Stephen, 148-145, at sinundan ng dalawang panalo sa Team Giannis, 178-164 at 157-155.
Samantala, hindi pinalaro ng NBA sina Joel Embiid at Ben Simmons ng Philadelphia 76ers matapos magpositibo sa COVID-19 ang barbero na gumupit sa dalawang bituin. Kahit parehong lumabas na negatibo ang pagsusuri ay lumipad na sila agad babalik ng Philadelphia sakay ng hiwalay na pribadong eroplano bilang pag-iingat at ayon sa napagkasunduang protocol ng liga at unyon ng NBPA.
Mga Pumuntos: TEAM LEBRON (170) – Antetokounmpo 35, Lillard 32, Curry 28, Brown 22, George 17, Gobert 10, Doncic 8, Jokic 6, Paul 6, James 4, Sabonis 2. TEAM DURANT (150) – Beal 26, Irving 24, Tatum 21, Harden 21, Mitchell 15, LaVine 13, Williamson 10, Leonard 8, Vucevic 5, Randle 4, Conley 3. Quarters: 40-39, 100-80, 146-125, 170-150.





Comments