Gen. Lucas, kung ‘di kayang sibakin ang mga hepe at PD sa Calabarzon, siya ang sipain!
- BULGAR
- Mar 20, 2024
- 3 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Marso 20, 2024
DAPAT IREKOMENDA NG KONGRESO KINA DILG SEC. ABALOS AT PNP CHIEF GEN. ACORDA NA SIBAKIN SA PUWESTO SI GEN. LUCAS -- Sa imbestigasyon ng Kongreso patungkol sa talamak na illegal gambling ay tinanong ni Antipolo City Rep. Romeo Acop si PNP-Region 4-A Director, Brig. Gen. Paul Kenneth Lucas kung may mga ilegal na pasugalan sa jurisdiction nitong Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon (CALABARZON), na tinugon ng police general na meron daw. At nang tanungin uli siya ng kongresista kung may sinibak na siyang chief of police at provincial director dahil sa hindi matigil na illegal gambling sa kanyang nasasakupan, ang tugon ng heneral ay wala pa raw.
Kung ganyan na hindi nagsisibak si Gen. Lucas ng mga hepe o PD na hindi makapagpatigil ng illegal gambling, aba’y ang dapat ay irekomenda ng Kongreso kina Sec. Benhur Abalos ng Dept. of the Interior ang Local Gov’t. (DILG) at PNP Chief Gen. Benjamin Acorda na siya (Gen. Lucas) ang sibakin sa puwesto bilang RD ng PNP-Region 4-A, period!
◘◘◘
KONGRESO AT MGA RESIDENTE NG LAGUNA, BATANGAS AT CAVITE, HUWAG NANG UMASANG MATITIGIL ANG ILLEGAL GAMBLING SA KANILANG MGA LUGAR -- Nang tanungin naman ni ACT-CIS Rep. Erwin Tulfo si Gen. Lucas kung anong mga probinsya ang may pinakatalamak ang illegal gambling sa CALABARZON, ang tugon ng police general ay ang Laguna, Batangas at Cavite raw.
Ang dapat ginawa ni Gen. Lucas, pagkatapos ng hearing ay dapat sinibak na niya sa puwesto sina Laguna PD Col. Gauvin Unos, Batangas PD Col. Samson Belmonte at Cavite PD Col. Eleuterio Ricardo, pero hindi niya ginawang tanggalin ang mga ito sa puwesto.
Dahil d’yan ay huwag nang umasa ang Kongreso at ang mga residente sa Laguna, Batangas at Cavite na matitigil pa ang raket ng mga gambling lords sa kanilang mga probinsya, boom!
◘◘◘
KUNG ISASAKRIPISYO LANG NG MGA SEN. AT CONG. ANG KANILANG PORK BARREL, TIYAK MADADAGDAGAN ANG 28 TANGKE-DE-GIYERA NG ‘PINAS -- Sa inilabas na data ng Sea Rising patungkol sa bilang ng mga tangke-de-giyera sa mga bansa sa Southeast Asia, ang top ay ang Vietnam na may 1,829 na military tanks, at ang Pilipinas ay pangatlo sa kulelat na mayroon lang na 28 military tanks.
Sa totoo lang, kung susundin ng mga senador at kongresista ang panawagan sa kanila noon ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong na isakripisyo nila ang kanilang mga pork barrel funds, na ibig sabihin ay huwag nang kukuha sa kaban ng bayan ang mga sen. at cong. para sa kanilang “pet projects” (pork barrel funds) at ang pork barrel funds nila ay mapunta bilang dagdag-pondo sa Armed Forces of the Philippines (AFP), tiyak madadagdagan at dadami ang mga tangke-de-giyera ng ‘Pinas, period!
◘◘◘
MGA ATAKE NI EX-P-DUTERTE KAY PBBM, PATUNAY NA NAGSISISI SIYA SA PAGSUPORTA SA KANDIDATURA NOON NI MARCOS -- Sa bawat prayer rally na dinadaluhan ni ex-P-Duterte ay inaatake nito si Pres. Bongbong Marcos (PBBM), tulad ng atakeng adik ito sa cocaine, isinusulong ang Charter change (Cha-cha) dahil ayaw na raw nitong umalis sa poder after ng term nito sa June 30, 2028 at ang latest ay pamamasyal lang daw ang ginawa ng presidente sa mga foreign trips nito.
Ang mga banat na ito ni ex-P-Duterte kay PBBM ay waring ipinakikita niya sa sambayanang Pinoy at sa mundo na nagsisisi siya kung bakit sinuportahan pa niya ang kandidatura nito (PBBM) sa pagka-presidente, boom!





Comments