GEL Binan sokpa sa semis, Santa Rosa, naniguro rin
- BULGAR
- Feb 11, 2024
- 2 min read
ni Anthony Servinio @Sports | February 11, 2024

Mga laro ngayong Linggo – Cong. Jun Duenas Gym
4:00 PM Cam Sur vs. Zambales
6:00 PM Santa Rosa vs. Taguig
Pinabuti ng Tatak GEL Binan ang kanilang pag-asang mapabilang sa semifinals ng 2023-2024 National Basketball League (NBL-Pilipinas) Chairman’s Cup matapos tambakan ang bisita Makati Circus Music Festival, 143-123, Biyernes ng gabi sa Alonte Sports Arena. Nagtala rin ng mahalagang tagumpay ang Eridanus Santa Rosa sa Muntinlupa Chiefs, 105-86, at lumapit din sa semifinals.
Matapos ang mahigpit na unang tatlong quarter, umarangkada ang Binan sa fourth quarter at bumuhos ng 43 puntos sa likod nina Best Player Alexander Villacorta, Jazzele Oliver Cardeno at Ameer Nikko Aguilar. Inipit ng depensa ang Makati sa dalawang free throw lang sa simula at walang nakapigil sa kanilang paglayo at ang huling talaan ay siya ring pinakamalaking lamang sa laro.
Umangat ng todo si Villacorta na may 29 puntos kumpara sa kabuuang 35 sa una niyang anim na laro. Pumasok bilang mga reserba sina Cardeno na may 31 at 12 rebound at Aguilar na may 27 at umangat ang Binan sa 5-3 habang winakas ng Makati ang kanilang kampanya sa 0-10.
Sa unang laro, nanigurado ang Santa Rosa at maagang itinahi ang resulta kontra sa Chiefs na tinalo rin nila, 99-96, noong nakaraang Pebrero 2. Maganda ang simula ng Muntinlupa, 19-9, subalit nagising agad ang Eridanus upang makuha ang first quarter, 30-23, at tuloy-tuloy na ang kanilang hataw.
Best Player si Alexander Junsay na nagsumite ng 24 at 10 rebound at sumuporta sina John Lester Maurillo at Michael Bisbe na may tig-14. Umakyat ang Santa Rosa sa 6-1 at kalahating laro na lang ang hahabulin sa defending champion Taguig Generals na 7-1.
Sisikapin ng Generals na maselyuhan ang upuan sa semifinals sa pagdalaw sa kanila ng Eridanus sa Cong. Jun Duenas Gym sa Signal Village ngayong Linggo simula 6:00 ng gabi. Bago noon, hahanapin din ng Cam Sur Express (6-2) ang tiket sa semifinals kontra sa Boss ACE Zambales Eruption (4-4) sa 4:00 ng hapon.








Comments