top of page

GCTA sa mga nahatulan sa heinous crime, alisin na

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jul 24, 2023
  • 2 min read

ni Mylene Alfonso @News | July 24, 2023



ree

Planong ipatunaw ni ACT-CIS Partylist Rep. Erwin Tulfo sa Kongreso ang good conduct time allowance (GCTA) para sa mga nahatulan dahil sa heinous crime at dapat na nasa loob na sila ng kabaong kapag lumaya.


Sinabi ni Tulfo na nababalewala ang life sentence dahil sa umiiral na GCTA na ginagamit ng Department of Justice (DOJ) sa pagpapalaya ng mga bilanggo na matagal nang nakakulong.


Ayon kay Tulfo sa ginanap na Balitaan ng The Manila City Hall Reporters' Association, ang mga kriminal na nahatulan ng life sentence dahil sa heinous crime ang nagtatamasa ng kalayaan dahil nakakalaya na sila pagkatapos ng ilang dekada.


Inatasan na ni Tulfo ang kanyang legal team na rebisahin ang batas kaugnay a life sentence na ang katumbas na hatol ay 40 taon.


"Sa U.S., 'pag sinabing life sentence, lalabas ka sa kulungan nasa ataul ka na. Dapat i-adopt na 'pag heinous crimes gaya ng massacre, isulong na lang natin na life sentence talaga," ani Tulfo.


Banggit pa ni Tulfo na dahil sa GCTA, nababawasan ang sentensiya ng 20 taon kaya kung ang nahatulan ay 20-anyos lalaya na siya sa edad 50-60.


"After 20 years tatawanan ka pa, neknek mo, nakalabas na 'ko. Paano ka ngayon patay na mister mo, anak mo? Sabi rehab daw. Paano mo ire-rehab 'yung mga buwang, mga drug lord na nakatikim na ng marangyang buhay, nang-rape ng anak niya tapos pinatay pa niya buong pamilya tapos makakalaya after 20 years," ayon kay Tulfo.


"'Pag heinous crime like Maguindanao massacre, 'yung 40 years, sa 50 pinatay mo concurrent ang pag-serve ng 40 years. It's useless. Mabuti kung 10 pinatay mo bawat isa life sentence bale 400 years. Paano naman ang buhay nu'ng mga pinatay? Dapat lalabas ka bilangguan nasa ataul na para naman 'yung mga nabiktima, maramdaman ang hustisya," dagdag pa ni Tulfo.


Ipinaliwanag din niya na tutol siya sa firing squad at mas pabor siya sa lethal injection.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page