GCQ lang, ‘di lockdown — Roque
- BULGAR

- Mar 21, 2021
- 2 min read
ni Lolet Abania | March 21, 2021

Nagpalabas ng mga bagong restriksiyon ang Malacañang na ipapatupad simula bukas, Marso 22 hanggang Abril 4 dahil sa patuloy na pagsirit ng mga COVID-19 cases sa bansa.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, walang lockdown subalit balik sa general community quarantine ang mga probinsiya ng Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal, habang mananatili sa GCQ ang Metro Manila.
Base ito sa Inter-Agency Task Force (IATF) Resolution No. 104 na inanunsiyo ni Roque ngayong Linggo nang hapon, kasabay ng pag-apruba ni Pangulong Rodrigo Duterte sa rekomendasyon ng nasabing ahensiya para sa dalawang linggong GCQ sa Metro Manila at karatig-probinsiya.
Kabilang sa pinakabagong resolusyon ng IATF, isang linggo bago ang pagsisimula ng Holy Week, ang pagbawal muli sa ilang pagtitipon at kasama rito ang religious gatherings. Papayagan naman ang kasal, binyag at funeral services o libing pero limitado lamang sa 10 katao.
Mananatili namang bukas ang lahat ng industriya pero ipatutupad ang mahipit na protocols. Sa mga restaurant naman, papayagan lamang ang mga outdoor dining gayundin ang take-out at delivery subali’t bawal ang indoor dining.
Gayundin, ipapatupad ang curfew na mula alas-10:00 ng gabi hanggang alas-5:00 ng madaling-araw para sa mga edad 18 pababa at 65 pataas.
“Hindi po ‘yan hard lockdown, kasi bukas ang ekonomiya. But it is a restriction of movement, kasi iniiwasan natin na kumalat pa ‘yung new variants na nasa Metro Manila at karatig na probinsiya,” ani Roque.
"Nagnanais po tayo na itong mga bagong restrictions ay magreresulta sa mas mababang numero ng COVID-19 at inaasahan din po natin na sa pamamagitan ng mga bagong restrictions na ito ay mapipigil ang pagkalat, lalung-lalo na ng new variants sa iba't ibang parte ng Pilipinas," sabi pa ng kalihim.





Comments