top of page
TALKIES - “HINDI MASAMA NA BUMILI NG MAHAL KUNG AFFORD MO” - HEART_IG _iamhearte.jpeg

Gcash, tiyaking ligtas pa ring gamitin

Writer: BULGAR
BULGAR
May 11, 2023
2 min read

ni Ryan Sison @Boses | May 11, 2023


Tiniyak ng E-wallet na GCash ang mahigit 81 milyong user nito na mananatiling ligtas gamitin ang app matapos makaranas ang mga customer ng unauthorized deductions sa kanilang mga personal accounts.


Sa isang pahayag, sinabi ng GCash na naitama na umano nito ang fund balance ng mga user na naapektuhan ng tila pinagsama-samang pagtatangka ng mga hindi kilalang indibidwal na kumuha ng pera mula sa customer base nito.


Ang mga unauthorized deductions mula sa mga GCash account ay sinasabing inilipat sa mga account sa ilalim ng EastWest Banking Corp. at Asia United Bank.


Tinitingnan na umano ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang mga diumano’y unauthorized transfers mula sa mga account ng ilang GCash users patungo sa dalawang bangko.


Pinayuhan ng GCash ang mga user na i-restart ang kanilang mga telepono upang maiwasan ang anumang kumplikasyon at pinaalalahanan sila na tiyaking ligtas ang kanilang mga password.


Inaatasan din nila ang mga user na ilagay ang kanilang MPIN upang buksan ang kanilang account sa app at mag-type ng OTP upang makumpleto ang isang financial transaction bilang bahagi ng mga hakbang sa pag-iingat upang maprotektahan ang kanilang pera.


Bilang isang E-wallet, ang GCash ay maaaring gamitin para gumawa ng ilang financial activities, kabilang ang bank transfer, cash remittance, fund management at maging ang loan acquisition.


Samantala, sa unang bahagi ng taong ito, inanunsyo ng GCash ang plano nitong paglulunsad ng GCash Card sa Hunyo, na magbibigay sa mga user ng access sa VISA network na may mahigit 100 milyong shops sa 200 bansa.


Nauna nang sinabi ng presidente at CEO ng Globe na si Ernest Cu na ang kumpanya ay magiging “in time” dahil nabanggit niya ang hinaing ng publiko, ngunit nilinaw nito na wala pang nakatakdang timeline para rito ngayon.


Nakakabahala ang pangyayaring ito, lalo na sa mga users na may malaking halaga sa kanilang mga account.


Ang isa sa mga ligtas na gawin ngayon ng mga users ay huwag nang maglagay ng malaking halaga sa GCash account dahil hindi natin alam kung mauulit pa ang pangyayaring ito.


Kung maaari rin ay humanap tayo ng mas ligtas na paglalagyan ng pera upang masiguro natin na hindi na ito mangyayari.


Tiyak na mahihirapan ang GCash na ibalik ang tiwala ng kanilang mga users, kaya sana ay aksyunan agad nila ito dahil napakaimportante ng mga perang nawala sa mga tao.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page