Gayuma (2)
- BULGAR
- Dec 16, 2023
- 1 min read
ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | December 16, 2023

“Kailan ba kayo magpapakasal?” Nananabik na tanong ng isang reporter na si Crispy Pata.
Siyempre hindi ito ang tunay niyang pangalan, pero mas pinili niyang gawing katawa-tawa ito para umano mas madaling matandaan. Tama naman ang kanyang desisyon dahil isa siyang certified tsismosa ng taon.
“Gusto mo ngayon na?” wika ni Gabriel Monteverde habang nakatingin sa kanyang kasintahan na si Princess Sandoval.
Kahit hindi pa pormal na nagsasabi ang magkasintahan, pero sobra ang kilig na naramdaman ni Princess. Tiyak naman kasi niyang hindi lang pang-showbiz ang sagot ng kanyang nobyo. Alam naman kasi niyang mahal na mahal siya nito. At siyempre, ganu’n din ang nararamdaman niya rito.
“Ay, hindi puwede” sagot naman ni Princess.
“Ibig sabihin, hindi mo pakakasalan si Gabriel?” Manghang tanong ni Crispy Pata.
Kahit kinakabahan si Gabriel, mas naniniwala siya sa pag-ibig ni Princess, kaya nasisiguro niyang hindi siya nito ipapahiya sa buong mundo.
“Hindi tayo puwedeng ikasal ngayon dahil wala namang pari eh,” wika ni Princess habang matamis na matamis ang pagkakangiti sa kanya.
“So ibig sabihin, handa na kayong magpakasal?” Manghang tanong ni Crispy Pata.
“Oo naman, wala naman akong ibang gugustuhing makasama kundi si Gabriel.”
Gusto ring sang-ayunan ni Gabriel ang sinabi ng kanyang nobya, pero bigla siyang natigilan dahil may boses siyang naririnig sa kanyang utak na paulit-ulit na nagsasabi ng mga salitang “akin ka, akin ka, akin ka!
“Love…?” Tawag sa kanya ni Princess.
Napansin ni Princess na putlang-putla si Gabriel kaya hinawakan niya ang kamay nito at laking gulat niya na sobrang lamig nito.
“Ano’ng nangyayari?” Tanong naman ni Crispy Pata.
Gusto sanang sagutin ni Gabriel ang katanungan iyon, pero parang binabarena na ngayon ang kanyang utak.
Itutuloy…






Comments