Gascia kampeon sa Texas Open 9-Ball, De Luna runner-up sa One Pocket

ni Eddie M. Paez Jr. @Sports | September 9, 2026

Photo: Si Garcia sa harap ng kanyang tropeo. Photo credit : 77.7 billiards
Lumutang na naman ang husay ng mga bilyaristang Pinoy sa labas ng bansa nang bumida sina Roland Garcia at Jeffrey De Luna sa dalawang larangan ng Texas Open Championships sa Estados Unidos kamakailan.
Kinoronahan si "Kabuto" Garcia, tubong Minalin at naging World Pool Championships runner-up noong 2017, bilang hari ng Texas Open 9-Ball sa palaruan ng Skinny Bob's sa Round Rock, Texas.
Sinagasaan ng Kapampangan sina Josh Kondo (USA, 9-3), Joey Torres (USA, 9-1), Ryan Robinson (USA, 9-5), Gavin Ray Mathew (USA, 9-4), Marcus Hodge (USA, 9-1), De Luna (9-4), semifinalist Felix Vogel (Germany, 9-4) at Ukrainian Vitaliy Patsura noong finals sa iskor na 9-5. Lubhang impresibo ang naging tagumpay ni Garcia laban sa karibal mula sa Ukraine dahil kinailangan niyang umahon mula sa 0-4 na hukay upang maiuwi ang malaking tropeo at pumaldo ng halagang $17,500.
Ito na ang pangalawang korona ni Garcia ngayong 2026 matapos makandaduhan noong Enero ang trono ng 38th Music City Open (Tennessee).
Bukod dito, meron din siyang limang iba pang podium performances. Kasama rito ang pagsegunda niya sa Derby City Classic One Pocket, U.S. Open 8-Ball at U.S. Open One Pocket.
Samantala, runner-up honors din ang naging ambag ni "The Bull" De Luna sa maangas na atake ng mga Pinoy nang sumargo siya sa larangan ng One Pocket sa Texas Open.
Nailista sa kanyang mga naging biktima sina Chip Compton (USA) at Christopher Tevez (USA) pati na sina dating world champions Shane Van Boening (2022 - 9ball; 2023 - 8ball) at Canadian Alex Pagulayan (2004 - 9ball).





Comments