Gadon, 3 beses nang inayawan ng taumbayan, pasok pa rin kay P-BBM, joke ba 'to?!
ni Pablo Hernandez III @Prangkahan | June 28, 2023
SA PANAHON NI P-NOY MABABA ANG PRESYO NG MGA BILIHIN AT BAYARIN, AT SA PANAHON NINA GMA, DIGONG AT P-BBM TUMAAS ANG INFLATION RATE, PERO ANG MAJORITY PINOYS, KAY P-NOY PA GALIT -- Nang bumaba si ex-Pres. Gloria Macapagal-Arroyo sa Malacañang noong June 30, 2010, ang iniwan niyang inflation rate o presyo ng mga bilihin at bayarin noon ay 3.79%, at nang maging presidente si Noynoy Aquino, sa kanyang pagbaba sa puwesto noong June 30, 2016, ang iniwan niyang inflation rate ay 1.3% na ibig sabihin, na ang mataas na presyo ng mga bilihin at bayarin sa panahon ni GMA ay napababa ni P-Noy. Nang maging presidente si Digong Duterte at sa pagbaba niya sa Malacañang noong June 30, 2022, ang iniwan niyang inflation rate sa mamamayan ay 4.9%, na ibig sabihin ay tumaas, at sa panahon ngayon ni Pres. Bongbong Marcos ay pumalo na sa 6.1% ang inflation rate.
Ang nais nating ipunto rito ay sa panahon ni P-Noy, mura o mababa ang presyo ng mga bilihin at bayarin, at ang nakapagtataka imbes kina GMA, ex-P-Duterte at kay P-BBM magalit ang majority Pinoys, eh sa yumaong Presidente Noynoy sila galit na galit, tsk!
◘◘◘
PAGTAAS NG PRESYO NG BIGAS HINDI IBIBIDA NI P-BBM SA SONA, ANG IBIBIDA NIYA MURANG BIGAS SA HINDI MAKITANG KADIWA STORES SA MERKADO -- Tumaas na naman ang presyo ng per kilo ng bigas sa merkado, at ang dagdag-pahirap na ‘yan sa mamamayan ay tiyak na hindi isasama ni P-BBM sa kanyang State of the Nation Address (SONA).
Ang tiyak na ibibida ni P-BBM sa kanyang SONA next month ay ‘yung mura ang presyo ng bigas sa mga hindi makitang Kadiwa Stores sa merkado, period!
◘◘◘
3 BESES TALUNANG KANDIDATO NA SI GADON, BINIGYAN NI P-BBM NG PUWESTO KAYA MGA NETIZENS NAGTAWANAN, ‘JOKE GOV'T.’ DAW ANG MARCOS ADMIN -- Matapos italaga ni P-BBM si talunang kandidato sa pagka-senador na si Atty. Larry Gadon bilang Presidential Adviser for Poverty Alleviation (PAPA) ay pulos “ha-ha-ha” ang naging reactions dito ng mga netizens sa social media.
Matatawa talaga ang Pinoy netizens, kasi sa dinami-dami ng mga taong puwedeng ipuwesto ni P-BBM na mangangasiwa para gumaan ang pamumuhay ng mga mahihirap, eh, si Gadon na tatlong beses nang ibinasura ng mamamayan sa senatorial elections noong 2016, 2019 at 2022, ang siya pang itinalaga ng presidente sa PAPA.
Dahil nga nagtawanan ang netizens sa pagtalaga ni P-BBM kay Gadon sa naturang posisyon, lumalabas tuloy na parang “joke government” na talaga ang Marcos administration, nya-ha-ha-ha.
◘◘◘
BUMABA PRESYO NG KARNE NG BABOY HINDI DAHIL SA UTOS NG MARCOS ADMIN, KUNDI DAHIL SA AFRICAN SWINE FEVER -- Bumaba ang presyo ng karne ng baboy sa merkado.
Kung inaakala ng mamamayan na Marcos administration ang dahilan kaya bumaba ang presyo ng karne ng baboy, nagkakamali sila, kasi kaya bumaba ang presyo nito ay dahil halos wala nang bumibili dahil sa takot na makakaon ng karne ng baboy na may African swine fever, boom!





Comments