top of page

Free Skyway toll at odd-even scheme, magpapagaan ng trapik sa EDSA

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 1 day ago
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | May 28, 2025



Boses by Ryan Sison

Sa gitna ng inaasahang matinding trapiko dulot ng dalawang taong rehabilitasyon ng EDSA, inianunsyo ang isang buwang dry run para sa ipatutupad na 24-oras odd-even coding scheme simula Hunyo 16 gayundin ang libreng toll sa Skyway. Pero ang kuwestiyon dito ay kung makakabawas nga ba sa trapiko ang bagong odd-even scheme sa EDSA at free toll sa Skyway? 


Ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), layunin nitong bawasan ang dami ng sasakyan sa pangunahing kalsada ng Metro Manila habang isinasagawa ang P8.7 bilyong EDSA Rebuild Project. 


Sa ilalim ng scheme, ipinagbabawal sa EDSA ang mga sasakyang may plaka na nagtatapos sa 1, 3, 5, 7, 9 tuwing Lunes, Miyerkules, at Biyernes, habang 0, 2, 4, 6, 8 ay hindi papayagang bumiyahe tuwing Martes, Huwebes, at Sabado. Libre naman ang lahat tuwing Linggo. 


Sa dry run, hindi muna papatawan ng multa ang mga lalabag, pero sila ay aabisuhan bilang bahagi ng information campaign ng MMDA. 


Sinabi ni MMDA Chairperson Romando Artes na target nilang mabawasan ang volume ng sasakyan sa EDSA ng hanggang 40 porsyento. 


Kaugnay nito, ayon kay Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon na kabilang sa mga intervention nilang gagawin patungkol dito ay ang waiving ng toll sa ilang bahagi ng Skyway Stage 3 simula Hulyo o Agosto.


Paliwanag ni Dizon, ang segment lang kung saan ide-detour ang mga sasakyan, at hindi na sila kailangang dumaan ng EDSA dahil aakyat na lang sila sa Skyway. 


Binanggit naman ni Artes na kung maglilibre ang Skyway ay makaka-reduce ng 10-20% volume sa EDSA habang kung sasamahan ng odd-even scheme na karagdagang 40%, inaasahan na mas bibilis ang daloy ng traffic at hindi magkakaroon ng carmageddon sa EDSA, at tataas din ang travel speed.


Marahil, layunin ng odd-even scheme at ng free toll sa Skyway na pagaanin ang daloy ng trapiko. Pero dapat masusing bantayan kung saan malaking tulong ito para sa mga motorista, lalo na ang mga umaasa sa EDSA araw-araw. 


Mainam naman na may dry run muna upang ma-assess ang magiging epekto at tugon ng publiko, subalit kailangan itong sundan ng malinaw na implementasyon. 

Maaaring maging pansamantalang lunas lang ito at kahit papaano ay nakikitang kumikilos din pala ang gobyerno sa problema sa trapik. 


Gayunman, kailangan pa rin ng pangmatagalang solusyon na may konsiderasyon para sa kapakanan ng lahat — hindi lang para maibsan ang trapiko, kundi para magkaroon ng mas epektibo, patas, at makataong sistema sa transportasyon.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Commenti


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page