Flexible work schedule sa buntis, bagong panganak

ni Mai Ancheta | June 21, 2023

Isang panukala ang inihain sa Kamara para sa paglikha ng flexible working arrangement sa mga buntis at bagong panganak.
Sa Pregnant Women’s Welfare Act (House Bill 8471), ni Cotabato Rep. Ma. Alana Samantha Taliño-Santos, inilahad na sa kabila ng hirap, pumapasok pa rin sa trabaho ang mga buntis at bagong panganak.
Kaya sa ilalim ng panukala, gagawa ng flexible work arrangement at/o work from home program ang mga pribadong kumpanya at mga ahensya ng gobyerno para mas madaling magawa ng mga buntis at bagong panganak ang kanilang trabaho.
Ang polisiyang ito ay hindi umano maaaring gamitin upang mabawasan ang benepisyong natatanggap, ma-demote ang posisyon o matanggal sa trabaho ang isang buntis o nanganak.
Ang mga hindi susunod ay pagmumultahin ng P20,000 hanggang P200,000 o makukulong ng 30 araw hanggang anim na buwan.





Comments