top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Filipinas, pinabagsak ang Bosnia sa FIFA Friendly

BULGAR
Jun 28, 2022
2 min read

ni Anthony E. Servinio - @Sports | June 28, 2022



Ibang klaseng kamandag ang inilabas ng Philippine Women’s Football National Team at winalis nila ang dalawang FIFA Friendly laban sa Bosnia at Herzegovina – ang una nilang mga panalo kontra sa isang koponan buhat sa Europa. Nagising sa tamang panahon ang Filipinas upang maagaw ang 2-1 tagumpay noong Linggo upang sundan ang nauna nilang 3-0 pagwagi sa parehong bansa noong Huwebes sa mga larong ginanap sa bansang Slovenia.

Lumamang ang Bosnia ng maaga sa first half sa goal ni Selma Kapetanovic sa ika-11 minuto. Hindi sumuko ang mga Filipina at itinabla ni Quinley Quezada ang iskor sa ika-85 minuto salamat sa pasa ni Sara Eggesvik at biglang dumating ang milagrong nagpapanalong sipa ni Katrina Guillou sa ika-90 minuto bago ang huling pito ng reperi.

Nasubukan ng todo ang Pilipinas na kabaligtaran ng una nilang tapatan tatlong araw ang nakakalipas. Maagang lumamang ang mga Filipina matapos ang goal ni Tara Shelton sa ika-7 minuto at sinimento ang panalo ng dalawang makalaglag-pangang goal ni Sarina Bolden sa ika-39 at ika-82 minuto.

Sinimulan ng mga Filipina ang serye ng kanilang FIFA Friendly sa isang 1-0 talo sa Ireland noong Hunyo 19 sa Antalya, Turkiye. Kasalukuyang ika-27 ang Ireland at ika-63 ang Bosnia sa FIFA World Ranking kumpara sa mga Filipina na ika-53 na siyang pinakamataas sa kasaysayan.

Parehong buhay ang pag-asa ng Ireland at Bosnia na makapasok sa 2023 FIFA Women’s World Cup sa tumatakbong European Qualifiers para sa 11 upuan. Kasalukuyang pangatlo ang Ireland sa Grupo A habang pangalawa ang Bosnia sa Grupo E kung saan ang unang dalawa lang sa bawat grupo ang tutuloy sa susunod na yugto.

Uuwi na ang koponan para sa 2022 ASEAN Football Federation (AFF) Women’s Championship na gaganapin sa bansa simula Hulyo 4 hanggang 17. Napili ang Rizal Memorial Stadium ng Maynila, Binan Football Stadium sa Laguna at Imus Grandstand sa Cavite bilang mga opisyal na palaruan ng torneo habang gagamitin ang PFF National Training Center sa Carmona, Cavite para sa mga ensayo.

Inaasahan na makakasaksi ng mataas na antas ng Women’s Football dahil kalahok ang tatlong bansa na pasok na sa World Cup – ang Pilipinas, Vietnam at Australia. Maglalaro din ang Thailand na maaari ding makapasok sa pagsabak nila sa playoffs para sa mga huling upuan sa Pebrero ng susunod na taon.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page