top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Filipinas, pasok na sa finals ng AFF Cup, nilagapak ang Vietnam

Writer: BULGAR
BULGAR
Jul 17, 2022
2 min read

ni Anthony E. Servinio - @Sports | July 17, 2022




Isang perpekto at kumpletong laro ang inilabas ng Pilipinas at pinabagsak ang defending champion Vietnam, 4-0 sa semifinals ng 2022 ASEAN Football Federation (AFF) Women’s Championship Biyernes ng gabi sa Rizal Memorial Stadium. Haharapin agad ng Filipinas ang Thailand para sa kampeonato ngayong Linggo simula 7:30 p.m. sa parehong palaruan.


Ito ang unang pagkakataon na binigo ng mga Pinay ang Vietnamese na kahit saang kompetisyon. Pumasok ang Vietnam sa laban matapos walisin ang apat na laro sa Grupo B na hindi nalulusutan ng kahit isang bola subalit gumuho ang kanilang matigas na depensa sa gitna ng ratratang laro ng Filipinas.


Nagsimula ang pagragasa sa goal ni bise-kapitana Hali Long na inulo papasok ang bola galing sa corner kick sa ika-31 minuto. Hindi na gumalaw ang iskor na 1-0 subalit mas nagpamalas ng bagsik ang Filipinas sa second half.

Natawagan ng hand ball violation ang Vietnam at walang kabang ipinasok ni kapitana Tahnai Annis ang penalty kick sa ika-50 minuto upang madoble ang lamang at lalong ganahan ang mga Pinay. Iyan ang nagbigay-daan para bumanat ng dalawang goal si Sarina Bolden sa ika-61 at ika-70 minuto upang maging walang duda ang resulta at mapili siyang Woman of the Match.


Ang unang goal ni Bolden ang naging hudyat kay Coach Stajcic na magpasok na ng mga reserba. Ito na rin ay upang magtabi ng lakas para sa napakahalaga at makasaysayang salpukan sa Thailand na wala pang 48 oras ang pagitan.


Pagbawi ang pangunahing nasa isipan ng Filipinas sa pangalawang paghaharap sa mga Thai na responsable sa kanilang nag-iisang talo, 1-0, sa pagwawakas ng group stage noong Hulyo 12. Nakapasok ang Thailand sa bisa ng 2-0 tagumpay sa Myanmar sa kabilang semifinal salamat sa mga goal nina Kanyanat Chetthabutr sa ika-45 at ang reserbang si Saowalak Pengngam sa ika-82 minuto.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page