Filipinas hahataw sa Pinatar Cup sa Espanya
- BULGAR
- Jan 31, 2024
- 2 min read
ni Anthony Servinio @Sports | January 31, 2024

Magbabalik ang Philippine Women’s Football National Team sa ikalawang sunod na taon sa 2024 Pinatar Cup sa Espanya mula Pebrero 24-27. Haharapin ng Filipinas ang hamon ng Scotland, Finland at Slovenia.
Matatandaan na malaking tulong ang paglahok sa torneo sa makasaysayang kampanya ng mga Pinay sa 2023 FIFA Women’s World Cup. Ngayong taon ay nagbago ang patakaran ng torneo at dalawang laro lang ang nakatakda sa bawat koponan kumpara sa tatlo noong nakaraan.
Unang haharapin ng #38 sa FIFA World Ranking Filipinas ang #25 Scotland sa 24 at susundan ito ng laban para sa kampeonato sa 27 kontra sa mananaig sa pagitan ng #27 Finland at #44 Slovenia. Noong huling Pinatar Cup ay tinalo ng Scotland sa Pilipinas, 2-1, kung saan naitala ni Meryll Serrano ang nag-iisang goal ng koponan sa tatlong laro.
Bago ang Pinatar Cup ay maglalaro ang Under-17 Filipinas sa Mima Cup sa parehong lugar mula Pebrero 5- 8 laban sa Inglatera, Scotland at Sweden. Sa pagitan ng dalawang torneo ay magdaRaos ng kampo mula Pebrero 11-14 kung saan inaanyayahan ang mga nais maging bahagi ng Filipinas mula Under-17 hanggang Seniors.
Dahil sa ipinakitang husay sa buong 2023, pinarangalan ng Philippine Sportswriters Association (PSA) ng Special Award ang koponan bilang Golden Lady Booters at si forward Sarina Bolden bilang Miss Football. Tinanggap nina Team Manager Jefferson Cheng, PFF General Secretary Angelico Mercader at Director for Football Coach Vincent Santos ang mga tropeo sa PSA Awards noong Lunes ng gabi.
Samantala, nahalal kamakailan bilang kasapi ng POC Athletes’ Commission ang beteranang goalkeeper ng Filipinas Inna Palacios. Maglilingkod siya hanggang 2028 kasabay ng iba pang mga nagwagi na sina EJ Obiena ng Athletics, Jessie Lacuna ng Swimming, Jack Danielle Animam ng Basketball at Nesthy Petecio ng Boxing.








Comments