top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Fil-am Green, sinorpresa si Clarkson sa Pinoy NBA games

Writer: BULGAR
BULGAR
Jan 21, 2022
2 min read

ni Anthony E. Servinio - @Sports | January 21, 2022





Ginulat ng bisitang Houston Rockets ang Utah Jazz, 116-111, sa Filipino Heritage Night ng NBA kahapon mula sa Vivint Arena. Tampok ang tapatan ng mga kabayang sina Jalen Green ng Houston at Jordan Clarkson ng Utah, ipinatikim ng kulelat sa Western Conference na Rockets ang ikalawang sunod na talong Jazz.


Milagrong ipinasok ni Christian Wood ang three-points mula sa 40 talampakan ng third quarter upang ibalik ang lamang sa Houston, 83-81, at hindi na nila binitawan ito. Mula roon ay sumandal ang Rockets sa mahahalagang puntos nina Garrison Mathews, Jae’Sean Tate at Eric Gordon para sa ika-14 panalo sa 46 laro.


Nagtapos si Mathews na may 23 puntos sa fourth quarter bilang reserba at sinundan nina Tate na may 18 at Gordon, 16. Hindi na ginamit si Green sa fourth quarter sa inambag na 7 puntos.


Nanguna sa Jazz sina Bojan Bogdanovic na may 29 puntos at Rudy Gobert na may 23 puntos sa gitna ng pagliban ni Donovan Mitchell. Sinubukan ni Clarkson na pahabulin ang Utah sa 19 puntos sa 4th quarter subalit nabitin ito.


Nanatili sa taas ng Eastern Conference ang Chicago Bulls at pinatahimik ang limang sunod na panalo ng Cleveland Cavaliers, 117-104. Gumawa ng 30 puntos si DeMar DeRozan.


Nanaig ang Heat sa Portland Trail Blazers, 104-92, salamat sa 15 ng 26 puntos ni reserba Caleb Martin sa 3rd quarter. Hindi na pumuntos si Martin sa 4th quarter subalit bumawi si Bam Adebayo na may 20 puntos at 11 rebound.


Nakaalagwa ang Brooklyn Nets hanggang sa huli upang mauwi ang 119-118 panalo sa Washington Wizards. Bumida sa Nets si Kyrie Irving na may 30 puntos. Tagumpay ang Bucks sa Memphis Grizzlies, 126-114, sa isa pang halimaw na laro ni Giannis Antetokounmpo na 33 puntos. Nasa 28-15 panalo-talo na ang Bulls subalit lalong lumapit ang Heat (29-16), Nets (28-16) at Bucks (28-19).


Tumikim ng talo ang Los Angeles Lakers sa bisitang Indiana Pacers, 111-104. Bumuhos ng 30 puntos si Caris LeVert at triple double si Domantas Sabonis na 20 puntos, 12 rebound at 10 assist.


Sa ibang mga laro, pinarusahan ng Philadelphia 76ers ang Orlando Magic, 123-110 sa likod ng 50 puntos at 12 rebound ni Joel Embiid. Tinalo ng Charlotte Hornets ang Boston Celtics, 111-102.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page