top of page
Search
  • BULGAR

FIBA Esports, muling lalarga sa Oktubre ang tournament

ni Anthony Servinio - @Sports | July 11, 2020




Hanggang ngayon ay pinag-uusapan pa rin ang mahusay na ipinakita ng Pilipinas sa pinakaunang FIBA Esports Open na ginanap noong nakaraang RTSbuwan, Dinurog at winalis ng mga Pinoy ang Indonesia sa serye nilang limang laro ng NBA2K upang maluklok bilang mga hari ng Timog Silangang Asya.


Masusukat ang tagumpay ng torneo sa dami ng mga sumabaybay dito sa social media kung saan mahigit limang milyon ang pinagsamang nanood sa opisyal na mga account ng FIBA at mga pederasyon kasama ang Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP). Nanguna sa lahat ang Espanya na umani ng 1.4 milyon magkaiba na user ang nanood sa kanilang Twitter pa lamang.


Kung 17 na bansa ang lumahok noong Hunyo, inamin ng FIBA na dumami sa 35 na bansa ang nagpahiwatig o nagtanong ukol sa susunod na torneo na matunog ay sa Oktubre ng taong ito. “FIBA’s Central Board identified this Esports initiative as relevant and consistent with the strategic aim to enlarge the FIBA family and this event has been great for the promotion of Basketball,” wika ni FIBA Secretary General Andreas Zagklis ng Gresya.


Bibigyan hanggang katapusan ng Hulyo ang mga pederasyon na siguraduhin ang kanilang paglahok. Ilalabas ng FIBA ang tiyak na petsa at paraan at patakaran ng torneo sa gitna ng Agosto upang mapasa ang mga listahan ng atleta sa Setyembre.


Malaking hamon ang pag-ayos sa mga koneksyon ng internet. Nakita ito sa duwelo ng Saudi Arabia at Lebanon para sa kampeonato ng Gitnang Silangan kung saan hindi natuloy sa takdang oras ang ilan sa lima nilang laro.


Habang binabalot ang mundo ng COVID-19, malabo na mangyari ang harapan na labanan. Dahil dito, lalong mahalaga ang malakas na internet upang magkita ang mga koponan buhat sa mga magkahiwalay na kontinente.


Maliban sa mas maraming kalahok na bansa, may panukala na magbukas ng hiwalay na kategorya para sa lalake at babae at puwede rin magsama sila sa isang koponan. Pinag-aaralan din kung papayagan na makalaro ang mga mas bata sa 16-anyos.


Kinatawan ang Pilipinas nina Aljon Cruzin, Custer Galas, Philippe Herrero IV, Rial Polog Jr. at Clark Banzon at mga reserbang sina Rocky Brana at David John Timago. Si Nite Alparas ang head coach habang si Richard Brojan ang tumayong team manager.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page