top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

FIBA 3X3 World Tour Masters, kasado na sa Hungary

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Aug 24, 2020
  • 2 min read

ni Anthony Servinio - @Sports | August 24, 2020




Kasado na ang mga lalahok sa unang yugto ng 2020 FIBA 3X3 World Tour Masters simula ngayong Agosto 29 sa Debrecen, Hungary. Isang dosenang koponan ang napili sa pangunguna ng numero unong Liman at defending champion Novi Sad na parehong galing Serbia upang paglabanan ang $40,000 (P2M) premyo para sa kampeon.


Hahamunin sila ng mga kapwa bigatin na Riga Ghetto ng Latvia, NY Harlem ng Estados Unidos, Sakiai Gulbele ng Lithuania, Piran ng Slovenia at Amsterdam ng Netherlands na pasok lahat sa Top 10 ng mundo. Sasamahan sila ng Graz ng Austria, Utena Uniclub ng Lithuania at Tallinn ng Estonia na nagwagi sa mga torneo sa kanilang mga bansa upang makapasok at ng mga wild card na Humpolec Bernard ng Czech Republic at Decebren ng punong-abalang Hungary.


Maglalaro para sa Liman si Stefan Stojacic, na nakilala ng mga Pinoy matapos manatili sa Pilipinas ng ilang buwan upang tumayong coach ng pambansang koponan na ipapadala sana sa naudlot na Olympic Qualifying Tournament sa India noong nakaraang Marso. Ang kanyang mga kakampi ay sina Stefan Kojic, Aleksandar Ratkov at Mihailo Vasic at sila na rin ang maagang paborito.


Binansagan ng palayaw na “Mr. Robot”, umangat ng todo ang kanyang laro noong 2018 at hinirang siya na Most Valuable Player ng World Tour. Subalit hindi niya napagpatuloy ito noong nakaraang taon bunga ng mga injury kaya ganado ang 31-anyos na bumalik sa aksyon at bumawi.


Bilang bahagi ng paghahanda para sa India, nagpapunta dito ng ilang mga manlalarong Serbian si Boss Ronald Mascarinas at Chooks To Go upang lalong mahasa ang mga Pinoy. Kasama rin ni Coach Stojacic si Coach Darko Krsman na inasikaso ang pagpapalakas ng katawan at resistensya ng mga manlalaro na napakahalaga sa 3X3.


Sa Hungary rin nakatakda ang dalawang susunod na yugto sa Setyembre 1 at 4. Ihahayag agad ng FIBA ang mga petsa at lugar ng iba pang mga yugto ng World Tour sa taong ito.


Maaaring may mga koponang Filipino ang maimbita oras na magsimula ang bagong taon ng Chooks To Go Pilipinas 3X3 sa susunod na buwan sa Inspire Sports Academy sa Calamba City. Magsisimula na muli ang mga ensayo ng koponan bunga ng pagbaba sa Kalakhang Maynila at lalawigan ng Laguna sa mas maluwag na General Community Quarantine (GCQ) noong nakaraang linggo.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page