FEU Tamaraws nagkampeon sa UAAP Cheerdance Competition
- BULGAR
- Dec 3, 2023
- 2 min read
ni Anthony E. Servinio @Sports | December 3, 2023

Mga laro ngayong Linggo (basketball)– Araneta
8:00 AM FEU-D vs. UST (B)
10:00 AM UPIS vs. DLSZ (B)
12:00 PM UST vs. NU (W)
4:00 PM DLSU vs. UP (M)
May bagong kampeon sa 86th UAAP Cheerdance Competition matapos daigin ng Far Eastern University Cheering Squad ang pitong iba pang koponan kahapon sa sa harap ng 18,122 sa MOA Arena. Pumangalawa ang dating kampeon National University Pep Squad habang pangatlo ang University of Santo Tomas Salinggawi Dance Troupe.
Malaking tagumpay ito para sa FEU at nabawi ang titulo na hinawakan nila noong Season 84 at isinuko sa NU noong nakaraang taon. Ayon sa mga marka ng hurado, napakaliit ng agwat nila sa NU – 87.81 kumpara sa 87.13.
Ginamit ng FEU ang tema na hango sa “Super Mario Brothers” na isa sa pinakasikat na laro sa kompyuter noong Dekado 90. Ito ay konsepto ng kanilang batikang coach Randell San Gregorio na inamin na taon-taon ay may natututunan siyang bago sa 20 taon na siya sa larangan.
“Kung ibibigay, ibibigay po talaga at gusto lang namin makuha ang perpekto at magandang routine para sa FEU,” wika ni kapitan Sarah Quintero. Sinang-ayunan ito ng isa pa nilang kapitan Aaron Ayalin na inamin na nakinig lang sila at nagtiwala at sumunod kay Coach San Gregorio.
Nagbigay-pugay ang NU sa Hari ng Rock and Roll Elvis Presley. Ito ang una nilang kompetisyon sa gabay ng bagong coach Gab Bajacan na pinalitan si Ghicka Bernabe na naghatid ng walong tropeo sa paaralan bago magretiro matapos ang Season 86.
Malayong pangatlo ang UST sa 85.50 at inulit ang kanilang pagtapos ng pangatlo noong nakaraang kompetisyon. Medyo napapanahon ang kanilang tema na inspirado mga Koreanang mang-aawit Blackpink.
Pang-apat ang Adamson University (83.13) at pang-lima ang University of the Philippines (75.25) nasa hulihan ang host University of East (69.88), De La Salle University (69.44) at Ateneo de Manila (66.50).








Comments