Fernandez at Lantad mga hari at reyna ng TPSK Water Run
- BULGAR

- 1 day ago
- 1 min read
ni Anthony Servinio @Sports | July 30, 2026

Photo: NAGKAMPEON sa 18km run ng TPSK Water Run sina Jay Fernandez at Melody Lantad. (vyrfbpix)
Umani ng pangalawang kampeonato si Jay Fernandez sa Water Run, ang ikalawang yugto ng seryeng Takbo Para Sa Kalikasan 2026 sa Quirino Grandstand noong Linggo. Kasunod ito ng kanyang tagumpay sa Fire Run noong Mayo.
Umoras si Fernandez ng 1:07:21 sa tampok na karerang 18 kilometro at sinundan nina Lubren Banzon Jr. (1:09:22) at Jaspher Delfino (1:14:10). Wagi rin si Fernandez sa Fire Run na 16 kilometro.
Sa panig ng kababaihan, pinakamabilis si Melody Lantad sa 1:35:37 at dinaig sina Kimberly Borja (1:36:30) at Sophia Vasquez (1:38:10). Pangalawa si Lantad sa 16 kilometro ng Fire Run.
Itinanghal na mga kampeon sa 10 kilometro sina Neil Maramba (37:57) at Elena Camu (50:07). May karera rin sa limang kilometro at lahat ng kategorya ay hindi nakatakas sa matinding basaan ng tubig at bula sa buong ruta sa Roxas Boulevard at CCP Complex.
Ang susunod na patakbo ng TPSK ay ang Air Run sa Setyembre 20. Tutuldukan ang taon ng Earth Run sa Nobyembre 15. Ang BULGAR ay opisyal na media partner ng serye. Naghatid ng saya at regalo sa mga tumakbo.
.





Comments