top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Female students, pasok sa Mandatory ROTC

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Aug 12, 2023
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | August 12, 2023


Bilang pagbibigay-katwiran sa pagkakapantay-pantay ng kasarian o gender equality, inihirit ng isang mambabatas ang pagsasama ng mga babaeng estudyante sa panukalang Reserve Officers Training Corps (ROTC).


Ayon kay Sen. Ronald Dela Rosa, ang mga kababaihan ang nagsusumigaw ng gender equality at pagkakapantay-pantay sa lahat ng oportunidad. Kaya aniya, ito ay isang pagkakataon na ibinigay sa kanila upang maglingkod sa ating bansa.


Paliwanag ni Dela Rosa, dahil gender equality, dapat na maging pantay ang pagturing natin sa mga kababaihan. Bigyan sila ng tsansa na idepensa ang bansa at magserbisyo pagdating sa mga kalamidad, at makatulong din sila sa pagresponde sa panahon ng kalamidad kahit na para masiguro lamang ang kaligtasan ng sarili nilang pamilya.


Matatandaan na sa unang State of the Nation Address (SONA), sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na gusto niyang gawing mandatoryo ang ROTC sa Grade 11 at 12.


Ang ROTC ay ginawang opsyonal noong 2002, kasunod ng kontrobersyal na pagkamatay ni Mark Chua, isang estudyante ng University of Santo Tomas (UST) na pinatay umano ng mga kapwa opisyal ng kadete dahil sa pagbubunyag ng katiwalian sa programa.


Ito na ngayon ang isa sa tatlong components ng National Service Training Program (NSTP) na maaaring piliin ng mga mag-aaral sa kolehiyo, kasama ang Civic Welfare Training Service at Literacy Training Service.


Sinabi ni Dela Rosa, principal sponsor ng ROTC bill, na ang panukala ay maghahanda sa mga estudyante para sa anumang posibleng mangyari, lalo na sa mga bagong tensyon sa China sa West Philippine Sea (WPS).


Binigyan-diin naman ng senador na kailangan talaga bilang isang nasyon na dapat laging handa, kundi aniya ay hindi tayo rerespetuhin ng China. Pahayag pa niya, kailangan nating mag-training hindi para makipag-away kundi upang makapaghanda sa laban.


Maganda ang layunin na pagsasanay sa ating mga estudyante, mapalalaki man sila o babae pagdating sa military tactics at pagdepensa sa ating bansa.


Sa mura nilang edad nga naman ay mate-train sila nang husto sa maraming bagay.


Subalit, sa pagnanais na maibalik ang mandatory ROTC sa mga kolehiyo at unibersidad, hindi kaya maulit muli ang nangyaring insidente noon?


Marami namang puwedeng ipalit na kahalintulad ding training para sa mga kabataan, isa na nga itong NSTP.


Marahil, dapat na pag-isipang mabuti ng kinauukulan at pagtimbang-timbangin muna ito bago ipatupad ang ganitong klase ng pagsasanay sa mga estudyante.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page