top of page

Feeling wa’ sex appeal pero atat magkaasawa dahil 32-anyos na

  • BULGAR
  • Apr 3, 2022
  • 2 min read

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| April 3, 2022


Dear Maestro,


Hindi ako masyadong maganda, medyo maliit, may pagka-chubby at hindi matangos ang aking ilong. Walang nagkamaling manligaw sa akin noong nag-aaral ako at ngayong may work na ako, dalaga pa rin ako sa edad na 32. Noong high school at college, ako ang kadalasang alalay o chaperon ng mga kaibigan kong magaganda habang maraming nanliligaw sa kanila.


Naisipan kong sumangguni sa inyo upang malaman kung may pag-asa pa ba akong makapag-asawa sa kabila ng katotohanang hindi naman ako masyadong maganda? ‘Yung mga kaibigan at kasabayan ko kasi ay may asawa na at ako na lang ang single at palaging kinukuhang ninang. Gusto ko nang mag-asawa at magkaanak, matutupad ba ito at kailan ito mangyayari? October 19, 1989 ang birthday ko.


Umaasa,

Melay ng Nabao, Cabanatuan City, Nueva Ecija


Dear Melay,


Ibig mong sabihin ay wala kang hitsura na kung isasalin sa eksaktong salita ay wala kang sex appeal, ganu’n ba ‘yun? Alam mo, maraming hindi magagandang babae ang nakapagtatakang nakapag-aasawa, pero sa totoo lang, kahit ganu’n sila, malakas ang dating o sex appeal nila.


Kaya ang kapangitan ay masasabing hindi hadlang para makapag-asawa ang isang babae o lalaki, pero ‘yung wala kang appeal sa mga lalaki ay maaaring maging hadlang. At ang dapat nating sagutin ay kung paano lalakas ang iyong sex appeal sa kabila ng iyong edad.


Madali lang naman, dapat ay palagi kang mabango at amoy bagong paligo. Subukan mo ring magsuot ng mga damit na fitted o ‘yung tila naka-hang ang damit at halos kita na ang iyong pusod at kilikili. Ang mga ganyang kasuotan ang nagpapalakas ng appeal, lalo na kung ang isang babae ay medyo sexy na maputi.


Malamang, iisipin ng iba na baka mabastos ka sa ganyang kasuotan, pero hindi naman, basta’t ‘pag ganyan ang suot mo, dapat may kasama kang mga kaibigan at maging maingat ka rin sa iyong pagkilos.


Gayunman, kahit hindi mo na isuot ang nasabing mga kasuotan, sa totoo lang, kung may nakatakdang pag-aasawa sa iyong mga palad, nakalulungkot isiping hindi mo naman inilakip sa iyong liham ang photocopy ng iyong palad, tiyak na makapag-aasawa ka pa rin kahit hindi ka masyadong maganda.


Kaya naman, analisahin na lang natin ang birth date mong October 19, 1989. Sinasabi ng iyong kaarawan na kailangang makipagkaibigan ka sa mga lalaking isinilang sa zodiac sign na Gemini, Aquarius, Aries at kapwa mo Libra na may mga birth date na 7, 16, 25, 2, 11, 20, 29, 4, 13, 22, 31, 6, 15, 24, 9, 18, 27, 3, 12, 21 at 30, kung saan darating ang takdang panahon na ang kapalaran ay huhugot sa nasabing mga zodiac sign at birth date ng lalaking makakaisang dibdib mo at makakasama habambuhay.


Samantala, dahil 19 ang birth date mo, tunay ngang hindi totoong wala kang appeal sa mga lalaki, dahil bihira sa mga taong may birth date na 1, 10, 19 at 28 ang hindi nakapag-aasawa. Kumbaga, likas sa kanila ang may “magnetic personality”, kaya dapat palagi kang lumabas ng bahay habang nakasuot ng kulay na dilaw at pulang kasuotan.


Sa ganyang paraan, tiyak ang magaganap, ayon sa iyong Love Calendar, sa susunod na taong 2023, isang lalaking balingkinitan ang katawan, semi-kalbo at medyo kayumanggi ang kulay ng balat ang darating, at sa edad mong 33 pataas, makapag-aasawa ka na at habambuhay na liligaya.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page