Feeling malas sa pag-a-abroad, dapat gamitin nang tama ang lucky color
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| November 22, 2021
Dear Maestro,
Bago pa magkaroon ng pandemya ay nag-a-apply na ako sa barko, pero hanggang ngayon ay hindi pa rin ako nakakasampa. Nais kong malaman kung may pag-asa na ba akong makaalis sa 2022 at kung matutuloy ako, may suwerte ba ako sa pangingibang-bansa? Dati na kasi akong sumasampa sa barko, pero hindi rin naman ako pinalad na umasenso dahil maliit lang ang naging suweldo ko. November 23, 1989 ang birthday ko.
Umaasa,
Ron ng Mallorca, San Leonardo, Nueva Ecija
Dear Ron,
Ayon sa birth date mong 23 na may sumatotal na 5 (ang 23 ay 2+3=5), tunay ngang papalarin ka sa pangingibang-bansa, sapagkat ang numerong 5 ay under sa planetang Mercury. Ibig sabihin, sinumang tao na nasa ilalim ng impluwensiya ng Mercury ay sadyang sinusuwerte o pinapalad sa pag-a-abroad at pagnenegosyo.
Higit kang papalarin kung habang nag-a-apply ka, palagi kang magsusuot ng mapalad mong kulay tulad ng pula, gray, puti at gray, habang ang alahas na silver ay magbibigay din sa iyo ng magandang kapalaran.
Ganito ang paggamit ng tamang kulay. Tuwing sasapit ang mga petsang 9, 18, 27, 3, 21, 30, 6, 15 at 26, higit lalo kung ang nasabing petsa ay natapat sa araw ng Martes, Huwebes at Biyernes, pula ang isuot mong kulay.
Samantala, tuwing sasapit ang mga petsang 5, 14, 23, 8, 17, 26, higit lalo kung ang nasabing petsa ay natapat sa araw ng Miyerkules at Sabado, puti o gray ang isuot mong kulay.
Habang bukod sa mapalad na kulay, ang pinakamapalad mong petsa o panahon para mag-apply ay mula sa ika-21 ng Marso hanggang ika-27 ng Abril, mula sa ika-21 ng Hulyo hanggang ika-27 ng Agosto at hanggang sa ika-21 ng Nobyembre hanggang ika-27 ng Disyembre.
Samantala, ayon sa iyong Travel Calendar, sa susunod na taong 2022 hanggang 2023, tiyak ang magaganap, may isang mabunga at mabiyayang pangibang-bansang itatala sa iyong kapalaran.




Comments