FB, Tiktok at pelikula, platform sa pagpapakalat ng katotohanan
ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | August 7, 2022
Paano huhusgahan ang totoo o hindi totoo sa Pilipinas ngayon? Dahil napakahilig ng marami sa panonood ng sine — sa sine kaya ito mahuhusgahan? Parang eleksyon na naman. Libreng ticket, libreng palabas, libreng ganito at ganyan. Pera ang pinagana noon, pera pa rin ang pagaganahin ngayon, baka meron pang ibang katanungan? Baka dapat din itanong, “Ano ang mananalo, ang katotohanan o ang pera?” Madalas nating marinig ang palasak nang komentaryo: “Pulitika? Pera-pera lang 'yan. Pareho lang silang lahat — pera lang ang hinahanap. Pera lang din ang gagamitin, pagaganahin para manalo at manatili sa puwesto. Kung walang pera at hindi marunong gumawa nito, hindi mananalo. Hindi magtatagal.”
Ngunit hindi simple ang paggawa ng pera. Hindi simple ang pag-agaw sa kapangyarihan sa pamamagitan ng pera. Ang napakahalagang instrumento ng paggawa ng pera pati na rin ng pag-agaw ng kapangyarihan ay ang bagong teknolohiya, ang social media na kilala na sa pagpapalaganap ng iba’t ibang social media platforms mula Facebook, Instagram, Tiktok at iba pa. Malinaw na mas maraming may hawak ng mobile phone kaysa libro. Mas maraming nagso-surf sa internet kaysa nagbabasa ng libro. Alam ito ng mga may-ari ng malalaking social media platforms. Alam ito ng mga korporasyon na kung anu-ano ang ibinebenta. Alam na alam din ito ng mga nasa — kapangyarihan at nais palawakin at palakasin pa ang kanilang kapangyarihan.
Isa lang sa maraming aspeto ng paggawa ng pelikula ang “marketing” o pag-e-enganyo ng manonood na tangkilikin ang pelikula. Nang ipinakita sa trailer si ex-P-Cory Aquino na naglalaro ng mahjong kasama ang mga madreng Carmelitana sa Cebu, mabilis na naglabas ng pahayag ang mga madre. Sabi ng mga madreng Carmelitana: Distortion o pagbabaluktot ng kasaysayan ang lumabas na eksena ng nagma-mahjong na "Cory" na kasama ang mga madreng Carmelitana. Paano magagawa ng mga madre na maglaro ng mahjong o magsaya sa gitna ng lubhang mapanganib na panahon. Sa mga panahong itinago namin si Cory, mas tumindi ang aming panalangin. At ito ang higit na kailangan sa mga panahong maselan at mapanganib.”
Hindi mahalaga kung kumita o hindi ang anumang pelikula. Merong mas mahalaga kaysa sa kita o pera. Mahalagang itanong kung totoo o kasinungalingan ang pinalalabas.
Oo’t mahalagang kumilos ang mga lider ng iba’t ibang sektor, hindi lang ang simbahan upang ipagtanggol ang katotohanan at ang kasaysayan. Ngunit kailangan ding tingnan ng mga nagtatanggol sa katotohanan at kasaysayan kung paano makakapasok sa umiiral na lugar ng pagtatagpo, ugnayan at pag-uusap. Hindi na sa mga unibersidad o sa mga aklatan at mga pormal na talakayan. Karamihan ng usapan, talakayan, debate at palitan ng kuru-kuro ay nagaganap sa Facebook, Instagram, Tiktok at Instagram, social Media.
Oo, matatagpuan ang katotohanan sa social media. Ngunit, napakaraming nagpo-post ng hilaw, bahagyang katotohanan kundi hayagang kasinungalingan.
Napakalungkot na hindi na ganun kahalaga ang pamamahayag sa katotohanan at lumalaganap na ang paggamit ng social media sa pagsabi, pamamahayag at pagpapalaganap ng gawa-gawang kasaysayan.





Comments