- BULGAR
Fatima U at St. Clare swak na sa NAASCU semis
ni Anthony E. Servinio @Sports | November 19, 2023

Pormal na nakamit ng defending champion St. Clare College of Caloocan at Our Lady of Fatima University ang mahalagang maagang pagpasok sa semifinals hawak ang twice-to-beat bentahe sa 21st National Athletic Association of Schools, Colleges and Universities (NAASCU) Men’s Basketball Biyernes sa Central Recreation and Fitness Center ng New Era University.
Tinapos ng Saints at Phoenix ang elimination round na tabla sa 8-1 panalo-talo at maghihintay na ng kanilang makakalaro. Unang tinambakan ng Fatima ang wala pa ring panalo Manuel L. Quezon University, 80-69. Mabagal ang simula ng Phoenix at kinailangang magtrabaho ng mga reserba sa pangunguna ni Best Player Rodman Templonuevo na nagtala ng 13 puntos at masayang ang 33 ni Adrian Antonio ng Stallions na pinakamaraming nagawa ng isang manlalaro ngayong torneo.
Sinigurado ng Saints na hindi sila magpapahuli at pumantay sa Phoenix sa bisa ng 68-50 tagumpay sa University of Makati. Sumandal ang St. Clare sa balanseng opensa subalit napunta ang Best Player kay Charles Burgos para sa kanyang depensa patungong 8 puntos at 11 rebound.
Sa isa pang laro, pinabuti ng Enderun Colleges ang puwesto sa quarterfinals at pinarusahan ang AMA University, 100-50, para umangat sa 5-4 at pansamantalang ika-apat. Iniwan ng Titans ang Kings sa 2nd quarter at nagtapos si Best Player Joshiel Gastador na may 18 puntos.
Tiyak na ikatlong puwesto ang nakakagulat na City University of Pasay na sa 7-2 ay tinamatasa ang pinakamataas na kartada sa mga nakalipas na taon matapos madalas maging kulelat ng liga. Hindi pa tukoy ang iba pang mga maglalaro sa quarterfinals at haharapin ng Philippine Christian University (3-3) ang AMA (4-4), MLQU (0-8) at New Era University (4-4) sa darating na linggo.