Falcons kontra Blue Eagles sa winner-take-all ng Final 4
ni Anthony E. Servinio @Sports | November 20, 2023

Laro ngayong Miyerkules – MOA
2:00 PM AdU vs. ADMU
Ipinasok ni Matthew Montebon ang 3-points na may dalawang segundo sa orasan para itulak ang Adamson University sa makapigil-hiningang 63-61 panalo sa host University of the East sa huling araw ng 86th UAAP Men’s Basketball elimination Linggo sa MOA Arena. Dahil dito, ipinilit ng matagumpay na Soaring Falcons ang winner-take-all laban sa defending champion Ateneo de Manila University para sa huling upuan sa Final Four ngayong Miyerkules sa parehong palaruan.
Tumanggap ang Adamson ng “tulong” mula sa rumaragasang De La Salle University noong Sabado ng gabi kung saan tinalo ng Green Archers ang Ateneo, 72-69. Bumaba ang Blue Eagles sa 7-7 panalo-talo kaya walang ibang dapat gawin ang 6-7 Falcons kundi talunin ang Warriors.
Hindi basta sumuko ang UE at inagaw ang bentahe sa tres ni Jack Cruz-Dumont, 61-60, at anim na segundo sa orasan. Tumawag ng timeout si Coach Nash Racela at napunta ang pasa ni Joshua Yerro kay Montebon na naghihintay sa kanto sabay linampasan ang madikit na depensa ni UE kapitan Abdul Sawat para sa nagpapanalong puntos.
Kabuuang apat ang tres ni Montebon patungo sa 16 puntos. Double-double si Cedrick Manzano na 16 at 10 rebound.
Umiwas sa komplikasyon ng playoff ang University of the Philippines at sinelyuhan ang pagiging numero uno sa Final Four sa 79-57 panalo sa National University. Tinapos ng Fighting Maroons ang elimination sa 12-2 at hihintayin ang magwawagi sa Ateneo at Adamson habang ang DLSU (11-3) ang may hawak ng twice-to-beat laban sa NU (10-4).
Samantala, isinara ng pang-lima DLSU ang Women’s elimination sa 58-45 panalo sa kulelat UE. Nauwi ng Adamson ang pang-anim na puwesto sa 71-60 tagumpay sa Far Eastern University.





Comments