Fake news na bababa ang presyo ng asukal kapag nag-import
- BULGAR
- Nov 22, 2022
- 2 min read
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | November 22, 2022
SUNTOK SA BUWAN NA MAWALA ANG KORUPSYON SA BANSA—Sa latest survey ng Pulse Asia, 22% ng mga Pilipino ang naniniwalang kapag nawala ang korupsyon sa Pilipinas ay giginhawa ang pamumuhay ng mga Pinoy.
Totoo naman pero ang problema, sa dami ng kurakot na opisyal ng gobyerno na nananalo tuwing eleksyon, suntok sa buwan na mapuksa ang korupsyon sa bansa.
◘◘◘
RESBAKAN ANG MGA SENADOR NA NAG-APRUB NG CONFIDENTIAL FUNDS KAY SARA—Inaprubahan na ng mga pro-Marcos-Duterte senators ang P2.3 bilyong budget ng Office of the Vice-President (OVP), at sa budget ay kasama ang P500 million confidential fund na inilaan para kay Vice-Pres. Sara Duterte-Carpio.
Wala talagang malasakit sa kaban ng bayan ang mga senador na kaalyado nina Pres. Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. at VP Sara na nag-aprub na bigyan ng bilyun-bilyong budget, with confidential fund ang OVP.
Dapat silang resbakan ng mamamayan, tandaan ang kanilang mga pangalan at ibasura sa 2025 senatorial election.
◘◘◘
HINDI MALALAMAN NG TAUMBAYAN AT COA KUNG SAAN MAPUPUNTA ANG P650-M CONFIDENTIAL FUNDS NI SARA—Ngayong aprub na ang P500-M confidential fund ng OVP, ang pokus na ay ang pagkakaloob ng P150-M confidential fund sa tanggapan ni Sara sa Department of Education, kaya’t kapag pinagsama ang P500-M at P150-M—ang kabuuan nito’y P650-M.
Mantakin n’yo, tumataginting na P650-M na pera ng bayan ang mapupunta kay Sara na hindi malalaman ng mamamayan kung saan ito gagastahin at hindi rin ito makakalkal ng Commission on Audit.
Ewan ko ba sa majority senators, alam naman nilang hindi law enforcement agency ang OVP at DepEd, tapos binigyan nila ng halos kalahating bilyon!
◘◘◘
PAGBABA NG PRESYO NG ASUKAL, FAKE NEWS—Ayon kay DA Usec. Domingo Panganiban, na kaya aangkat ng 150-K metriko-tonelada ng asukal ang bansa ay para bumaba ang presyo nito sa merkado. Pero ngayong makapag-angkat na’y ubod pa rin ng mahal ang presyo, nasa mahigit P100 per kilo pa rin ang halaga nito.
Dahil d’yan, fake news ang ibinida ni DA Usec. Domingo sa publiko tungkol sa mabuting epekto ng importasyon ng asukal.





Comments