Factory sa Taiwan nasunog, 4 OFWs dedbol

ni Jeff Tumbado | April 28, 2023

Apat na overseas Filipino workers (OFWs) ang iniulat na namatay sa malaking sunog na sumiklab sa isang pabrika sa Changhua, Taiwan.
Ito ang kinumpirma ng chairman ng Manila Economic and Cultural Office-Taiwan (MECO-Taiwan) na si Atty. Silvestre Bello III.
Ayon kay Bello, tatlo sa apat na biktima ay nasawi sa lugar ng insidente bunsod ng "suffocation" o hindi makahinga dahil sa makapal na usok habang binawian naman ng buhay ang ikaapat na biktima sa ospital.
Nagpaabot na ng tulong pinansiyal ang Taiwanese government maging ang employer ng mga biktima na, Lian Hwa Foods Corp.
"Unang-una, ‘yung mga employers muna nila, in fairness, they extended immediate attention by providing them all the medical assistance that can be afforded to everybody in the hospital," pahayag ni Bello.
"Ang maganda pa d'yan, the Taiwanese government is extending an assistance of 100,000 NTD for every casualty. But that is in addition sa insurance coverage nila under sa kanilang employer," dagdag ni Bello.
Binanggit pa ng dating labor secretary na ang gobyerno ng Pilipinas ay mamamahagi ng P200,000 death benefits at P20,000 burial benefits para sa mga kaanak ng mga nasawi.
Educational assistance din ang ibibigay ng gobyerno sa mga anak ng mga biktima.
Inaasahan na darating sa bansa ang labi ng mga biktima kapag naayos agad ang mga dokumento ng mga ito.
May ugnayan na umano ang MECO at mga awtoridad sa Taiwan kaugnay sa isinasagawang imbestigasyon.
Batay sa report, sumiklab ang sunog sa pabrika ng Lian Hwa nitong umaga ng Martes,
Abril 25, kung saan pito ang nasawi habang maraming iba pa ang nasugatan.
Iniulat ng Meco na nasa mahigit 100 OFWs ang nagtatrabaho sa nabanggit na pabrika.





Comments