top of page
Machong Chismisan - YT.jpg

Face-to-face classes sa mga estudyante, tiyaking safe

Writer: BULGAR
BULGAR
Jan 27, 2021
2 min read

@Editorial | January 27, 2021



Inaprubahan na ng Commission on Higher Education (CHED) ang limitadong face-to-face classes partikular sa mga estudyante ng medicine at iba pang health sciences courses sa mga unibersidad na nasa modified general community quarantine areas (MGCQ).


Habang ang ibang paaralan na gusto ring magsagawa ng limited face-to-face classes ay kailangan munang mag-submit ng aplikasyon sa kagawaran.


‘Pag natanggap ng CHED ang aplikasyon saka lamang magtutungo sa campus ang mga ito upang mag-inspeksiyon kung masusunod ng eskuwelahan ang mga requirements para sa face-to-face classes.


Ilan sa mga unibersidad na pinayagang magsagawa ng face-to-face classes ang University of the Philippines (UP), Ateneo de Manila University at Our Lady of Fatima University sa Valenzuela.


Batay sa ulat, sa UP College of Medicine, aabot sa 200 mag-aaral ang magsasagawa ng rotation sa mga ospital para sa kanilang internship, habang 180 students naman ang bumalik na sa mga ospital noong Enero 18 para sa kanilang clinical clerkships. Bagama’t tatlong interns at isang clerk umano ang nagpositibo sa COVID-19.


Kaugnay nito, sinasabing mas marami umano ang transmission sa komunidad kaysa sa ospital.


‘Ika nga, hindi COVID-19 ang mag-a-adjust sa sitwasyon kundi ang tao mismo at ang sistema.


Walang makapagsasabi kung kailan tuluyang makokontrol ang pagkalat ng virus kaya dapat ngayon pa lang ay kumikilos na tayo o dapat marami na tayong alam at natuto na sa mga karanasan kung paano ito malalabanan sa bawat araw.


Malaking tulong din ang pagpapatuloy ng mga estudyante lalo na sa larangan ng medisina upang makatuwang sila ng mga doktor, nurse at iba pang health workers sa gitna ng pandemya.


Ang paalala na lang ay palaging mag-iingat. Para naman sa publiko, wala tayong ibang gagawin kundi ang sumunod sa mga health protocols upang hindi na makadagdag sa problema.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page