top of page
Bea Alonzo - IG.jpg

F2F renewal ng registration na sasakyan, dapat lang

Writer: BULGAR
BULGAR
Jul 1, 2024
2 min read

ni Ryan Sison @Boses | June 29, 2024



Boses by Ryan Sison


Dahil sa nahihirapan ang mga otoridad na tukuyin ang gumamit ng sasakyang nasangkot sa krimen o aksidente, iminungkahi ng isang mambabatas na imandato sa mga motoristang magre-renew ng kanilang vehicle registration na personal na pumunta sa Land Transportation Office (LTO) branch at magsumite ng valid government IDs.  


Ibinigay na halimbawa ni Sen. Raffy Tulfo, chairman ng Senate Committee on Public Services, ang sumbong sa kanyang tanggapan hinggil sa isang SUV na ginamit sa pambubudol sa isang cancer patient noong June 10, kung saan hindi pa rin natutukoy hanggang ngayon ang driver nito dahil napagpasa-pasahan na ang sasakyan at “open deed of sale” lang ang nangyaring proseso.


Paliwanag ng senador, nagiging common practice na kasi sa buy and sell na bibili ng sasakyan ang isang indibidwal, pagkatapos ay hindi muna ito inirerehistro dahil ibebenta rin naman.


Kaya naman maghahain si Tulfo ng isang panukala para i-require na 10 araw mula sa date of purchase ng sasakyan, dapat ay registered na ito sa LTO. At kapag hindi naka-comply ang may-ari ay agad mai-impound ang kanyang sasakyan.


Giit niya, ang ganitong regulasyon ay hindi na bago at naipapatupad na rin sa Amerika. 

Sinabi pa ni Tulfo na maglalagay din siya ng “anti-fixer” provision sa bill, na kapag may nahuling fixer sa isang LTO branch ay masisibak agad sa puwesto ang direktor na nakakasakop sa naturang tanggapan sa 1st offense pa lamang. 


Mainam na proteksyon sa mga may-ari ng sasakyan ang panukalang ito ng mambabatas.


Kumbaga, masisiguro ng lahat ng car owner na ang kanyang biniling sasakyan, lalo na second hand ay maita-transfer sa kanyang pangalan, kung personal siyang pupunta sa LTO para magparehistro nito.

Kung minsan kasi ang mga nabili o ibinibenta sa ating second hand na sasakyan ay hindi agad nairerehistro sa nakabili, kaya siyempre ang nakapangalan pa rin ang unang may-ari nito. 


Ang masaklap pa, kung ang sasakyan ay nasangkot sa krimen o kaya sa aksidente siguradong hahabulin ng mga otoridad ang registered owner nito.  


Hindi lang ‘yun, malalakas din ang loob ng mga driver na takbuhan ang responsibilidad nila sakaling may disgrasya na nangyari sa daan dahil hindi nakapangalan sa kanila ang sasakyan.


Marahil, tama lang na ipatupad ito ng kinauukulan dahil malaking pakinabang din naman ito sa taumbayan.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page